NAGPASABOG na naman ng kilig at good vibes ang panghaharana ni Big Boss (Dingdong Dantes) kay Doc Beauty (Jennylyn Mercado) sa nakaraang episode ng “Descendants of the Sun: The Philippine Adaptation.”
Komento ng Kapuso viewers, grabe raw talaga ang on-screen chemistry ng tambalang Dingdong at Jennylyn na gabi-gabi na uli ngayong inaabangan ng DongJen supporters.
“Ramdam ko ‘yung totoong tawa nina Jennylyn at Dingdong dito. Haha! Pwede bang awardan sila ng King and Queen of RomCom?!” komento ng isang adik sa Pinoy remake ng “DOTS.”
Sabi naman ng isang netizen, “Di ako maka get over sa harana ni Capt. Lucas at Alpha Team. HAHAHA. ANG CUTEEEE!”
Habang patuloy namang sinusuyo ni Big Boss si Doc Beauty, kilig overload din ang hatid ng isa pang loveteam na inaabangan sa serye, ang GoRa nina Diego (Rocco Nacino) at Moira (Jasmine Curtis).
In fairness, ibang klase rin ang hatid na pampakilig ng dalawa na akala mo’y totoong magkarelasyon sa tunay na buhay.
Hindi rin sila nagpapatalbog sa magic ng DongJen dahil may sarili rin silang moments at bonggang paandar sa serye.
Patuloy na tutukan ang exciting at nakakakilig na fresh episodes ng “DOTS PH” weeknights pagkatapos ng “Encantadia” sa GMA 7.
* * *
Pinag-usapan at talaga namang tinutukan ng viewers ang pagpapatuloy ng kuwento ng GMA Afternoon Prime series na “Prima Donnas” sa bago nitong episode nitong Lunes.
Nawindang ang viewers na tila mas tumindi pa raw ang kasamaan ng mag-inang Kendra (Aiko Melendez) at Brianna (Elijah Alejo) sa fresh episode.
“Mas lalo kang lumala? Nakapag recharge ata si Kendra kaya mas malupit pa ngayon!” reaksyon ng isang netizen.
Ano nga ba ang isisiwalat ni Lilian (Katrina Halili) kina Mayi (Jillian Ward), Ella (Althea Ablan), at Lenlen (Sofia Pablo)?
Huwag palampasin ang mga kapana-panabik na kaganapan sa fresh episodes ng “Prima Donnas” sa GMA 7.