Pinsalang dulot ng Bagyong Rolly patunay na kailangan ng disaster department ng bansa, ayon kay Salceda

Albay Rep. Joey Salceda. FILE PHOTO

Higit na pinagtibay ng pinsalang dulot ng Bagyong Rolly sa ari-arian at buhay  ang pangangailangang aktuhan ng Kongreso ang panukalang batas na Disaster Resilience Act, ayon kay Albay Representative Joey Salceda.

Para kay Salceda, isa sa pangunahing may akda ng bersyon ng panukalang batas sa Kamara de Representantes, ang pinakahuling kalamidad na ito ay isang “wake up call” na kung hindi bibigyan ng pangmatagalan at kumprehensibong solusyon ay magreresulta ng pagkawala ng marami pang buhay at ari-arian.

“How much human sufferings do we have to endure before we pass the vital DDR Act?” tanong ni Salceda.

Ginawa ni Salceda ang pahayag sa harap ng patuloy na pagtutol ng ilang senador na ipasa ang bersyon nito sa House Bill No. 5989, na sinertipikang “urgent bill” ni Pangulong Rodrigo Duterte, para maitayo ang Department of Disaster Resilience (DDR).

Naipasa ang panukalang batas na ito sa Kamara sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Isang “fact of life” na ang kalamidad sa Pilipinas, ayon kay Salceda, dulot na rin ng lokasyon ng bansa na nakapaloob sa typhoon belt at Pacific “Ring of Fire.”

Sa karaniwan ay may 20 bagyo ang dumadating sa bansa kada taon, lima dito ay mapaminsala. Ganundin, bulnerable ang Pilipinas sa madalas na paglindol at pagputok ng bulkan.

Dagdag pa dito, sinabi ni Salceda na mahalagang may isang full-time na ahensya ng pamahalaan na naghahanda at tumutugon sa pinsalang idudulot ng nagbabaong klima ng daigdig o climate change.

“Fortune favors the prepared. We cannot avoid typhoons and other calamities that come with our geography, but we can keep the risks low and the damage controlled. That is resilience: being able to achieve meaningful progress despite natural and external adversities ,” ani Salceda.

“The DDR will be the primary agency responsible, accountable, and liable for leading, managing, and organizing national efforts to prevent and reduce disaster risks; prepare for and respond to disasters; and recover, rehabilitate and build forward better after the destruction,” paliwanag pa niya.

Ang kawalan ng pondo at dagdag gastos pa para sa pagbuo ng panibagong ahensya na DDR ang syang pangunahing dahilan kung bakit tutol sa panukala sina Sen. Panfilo Lacson at Dick Gordon.

Subalit dinepensahan ito ni Salceda, dahil aniya hindi dapat maging balakid ang pondo sa pagbuo ng mga makabuluhang polisya.

“If the problem is the funding, it is the mandate of the government to look for the budget for the department,” pahayag ni Salceda.

Una nang binigyang kasiguruhan ni Salceda sina Lacson at Gordon na hahanapan ng Kamara ng pondo ang pagbuo ng DDR. Ayon sa kaniya, ang kanyang komite na Committee on Ways and Means ay patuloy na naghahanap ng dagdag pondo para sa national government sa pamamagitan ng ipinapasang tax policy reforms.

“We can be efficient in funding the DDR. We can find the funds for the new agency. But, if the problem is funding, then let’s find the funding, and not deny the problem,” nauna nang pagdepensa ni Salceda.

Taong 2010 nang ipasa ng Kongreso ang landmark legislation para sa disaster-risk reduction and management na Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act (DRRM Act).

Bagamat nakatugon ito sa nagdaang mga kalamidad, nang tumama sa bansa ang Supertyphoon Yolanda noong 2013 ay nakita ang kahinaan nito padating sa koordinasyon at pagpapatupad ng large scale disaster-risk reduction and management efforts. Ito ang dahilan kaya iminungkahi ni Duterte sa Kongreso ang pagtatatag ng DDR para mayroong bagong tanggapan na makakatugon ng mabilis sa panahon ng kalamidad.

Sa inaprubahang House Bill 5989, maiestablisa rin ang National Disaster Operations Center (NDOC) na siyang mangangasiwa sa monitoring at reresponde sa mga lugar na apektado ng kalamidad; Alternative Command Centers (ACC), ang command center na tutulong sa NDOC; at Disaster Resilience Research and Training Institute (DRRTI) na siyang mangunguna sa training at pamamahagi ng impormasyon.

Binibigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magdekara ng state of calamity at magpataw ng administrative sanctions sa mga local officials na hindi gumaganap sa kanilang tungkulin sa oras ng kalamidad.

Hindi lamang simpleng ahensya ang DDR dahil sa oras na maisabatas ang Disaster Resilience Act ay tutugunan nito ang lahat ng paghahanda at rehabilitative efforts sa lahat ng uri ng natural hazards kabilang na dito ang geological phenomena gaya ng lindol, volcanic activity, hydrological, oceanographic at meteorological phenomena, climate variability/change gaya ng El Nino/El Nina, mga bagyo at pagpapatayo ng mga LGUs ng permanent evacuation center na nakaporma alinsunud sa standards ng United Nations Humanitarian Charter and Minimum Standards in Humanitarian Response.

Nanindigan ang mga mambabatas na hindi na kailangan pang hintayin ang “the big one” para umaksyon at baka maging huli na ang lahat.

Read more...