Mga Laro Bukas
(The Arena)
4 p.m. Lyceum vs
San Sebastian
6 p.m. St. Benilde vs
Perpetual Help
NABUHAY uli ang Arellano University sa huling yugto para kunin ang dikitang 67-64 panalo sa Jose Rizal University sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sina Prince Caperal, Keith Agovida at John Pinto ang mga sinandalan ng Chiefs na bumangon mula sa 50-57 iskor sa kalagitnaan ng huling yugto at wakasan ang first round sa 3-6 baraha.
Bago ito ay may apat na sunod na pagkatalo ang tropa ni coach Koy Banal upang masayang ang pagkakatalaga sa koponan bilang isa sa team to beat sa pagbubukas ng season.
Si Agovida na dating junior player ng Jose Rizal University ang siyang nagpatabla sa iskor sa 59-all bago siya ring nagbigay ng tatlong puntos kalamangan sa kanyang dalawang free throws sa huling 21.4 segundo.
Sablay naman ang tangkang panablang tres ni Paolo Pontejos para malaglag ang Heavy Bombers sa 5-4 baraha.
“Malaking bagay itong panalo dahil low morale na ang team,” wika ni Caperal na mayroong 12 puntos, bukod pa sa walong rebounds at apat na blocks.