6 pang Pinoy abroad, nagpositibo sa COVID-19

May anim na bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang November 7, nasa 11,423 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 81 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 3,228 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Tatlo naman ang bagong gumaling kung kaya 7,367 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Walang bagong napaulat na nasawi.

Dahil dito, 828 pa rin ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 7,492 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 1,266 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 816 naman ang kaso sa Americas at 1,849 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste ang ahensya sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...