Iaapila ng Hollywood star na si Johnny Depp ang desisyon ng hukuman sa United Kingdom na nagbasura sa kasong libelo na isinampa niya laban sa British tabloid na The Sun.
“The surreal judgement of the court in the UK will not change my fight to tell the truth and I confirm that I plan to appeal,” ani Depp sa kanyang post sa Instagram.
Nitong Lunes, natalo ang 57-anyos na bida ng “Pirates of the Caribbean” sa kasong isinampa niya laban sa publisher ng The Sun, na tinawag siyang “mambubugbog ng asawa.” Pinagtibay ng desisyon ang mga paratang na naging marahas si Depp sa dating asawang si Amber Heard.
Kinatigan ni Judge Andrew Nicol ang panig ni Heard matapos ang tatlong linggong pagdinig sa maaanghang na batuhan ng mga akusasyon ni Heard at Depp.
Ayon sa desisyon ng korte, 12 sa 14 na insidente ng karahasan na inilathala ng The Sun ay napatunayang totoo at balanseng naihayag.
Pero sinabi ni Depp sa kayang pirmadong pahayag na: “My resolve remains strong and I intend to prove that the allegations against me are false.
“My life and career will not be defined by this moment in time.”
Ang high-profile na kasong ito sa High Court sa London ay naglantad sa problema ni Depp sa alak at droga at pati na rin sa detalye ng dalawang taong pagsasama nila ni Heard, 34, na isang aktres at modelo.
Inanunsyo din ni Depp na pumayag siyang bitawan ang papel na Gellert Grindelwald na gagampanan niya dapat sa Harry Potter franchise spin-off na “Fantastic Beasts” ayon na rin sa pakiusap ng Warner Bros.
“I have respected and agreed to that request,” ani Depp.
Sa pinagtataluhang istorya, tinanong ng The Sun kung magiging “tunay na masaya” kaya ang author ng Harry Potter na si JK Rowling na si Depp ay kabilang sa cast ng “Fantastic Beasts” sa kabila ng reputasyon nitong nambubugbog ng asawa.
Samantala, idinemanda rin ni Depp si Heard sa isang hiwalay na kaso sa United States dahil sa artikulong sinulat ng aktres sa Washington Post, na ayon kay Depp ay nagpapahiwatig na naging bayolente siya kay Heard.