APAT ng Pilipinang nakatira sa Australia ang kabilang sa mga kandidata sa 2020 Mrs. Universe pageant, na virtual ang magiging pagdaraos dahil sa pandemya.
Mrs. Universe Australia ang pageant veteran na si Maryrose Salubre, 40 toang gulang. Sinilang siya sa Leyte at tumulak sa Australia noong 1994.
Bitbit naman ng runway model at pageant coach na si Kristine Aseron Santos, 40, ang titulong Mrs. Universe Australasia. Sinilang siya sa Maynila at lumipat sa Australia noong 1994.
Hawak naman ng barista at coffee shop manager na si Olivia Rosete Wheeler, 44, ang titulong Mrs. Universe Oceania. Isinilang siya sa La Union at lumipad patungong Australia noong 1993.
Kinatawan naman ng Pilipinas bilang Mrs. Classic Universe Philippines si Ceres Calizo Ledesma, 56 taong gulang. Sinilang sa Aklan ang dating guro, na naninirahan na sa Australia mula noong 1993.
Sa isang panayam online, sinabi nina Ledesma at Wheeler na tinitingala nila si Catriona Gray, ang ikaapat na Pilipinang hinirang na Miss Universe.
“Even though she was born in Australia, she still reflects her traditional culture,” ani Wheeler.
Sinabi naman ni Ledesma, “She is a perfect Filipino woman who possesses beauty and brains that made the Filipino people genuinely proud.
Naantig naman si Salubre sa pagsusumikap ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach. “She never quit until she achieved her goal,” aniya patungkol sa ikatlong Pilipinang kinoronahan bilang Miss Universe.
Hinahangaan naman ni Aseron ang unang Pilipinang itinanghal bilang Miss Universe na si Gloria Diaz, na nagwagi noong 1969.
Para sa apat na Filipino-Australian, makatutulong ang pagiging Pilipina nila sa pandaigdigang patimpalak.
“There is one particular value that is part of my makeup as a Filipino: The basic appreciation of life, the comprehension of human suffering, compassion, and beauty of life in all cultures,” ani Wheeler.
Para kay Aseron, makatutulong sa kanya ang pagiging likas na matulungin sa kapwa ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni Salubre na nagwawagi ang mga Pilipina dahil sa pagiging “passionate in everything we do.” Habang tinukoy naman ni Ledesma na “Filipinos manage to rise above the challenges.”
Idaraos ang Mrs. Universe pageant sa Disyembre, at hinihikayat ng apat na Filipino-Australian ang publiko na iboto sila sa Facebook page ng patimpalak mula Dis. 1 hanggang 24.
Ilalabas ang resulta ng patimpalak sa Enero 1, 2021.