DUMISKARTE na ang mga singer na sina Nyoy Volante at Kris Lawrence para magkaroon ng extra kita ngayong panahon ng pandemya.
Pinasok na rin nila ang online selling at iba pang business hindi lang para sa kanilang mga pamilya kundi pati na rin sa mga kakilala nilang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kina Nyoy at Kris napakarami rin nilang natutunan mula nang karirin nila ang pagnenegosyo, kabilang na riyan ang pagiging “open minded” sa lahat ng possibilities.
Sabi ni Nyoy nang mag-guest sa “Magandang Buhay”, sa panahon ngayon huwag nang maging choosy, kung kaya ng iba, kaya n’yo rin.
“Hindi ko alam kung magwo-work ito for everyone else basta sa akin, kapag may pumasok na blessing, kapag may pumasok na opportunity, grab it. Hindi maibibigay sa iyo ‘yan if people think you are capable of doing it,” pahayag ni Nyoy na nag-eenjoy din sa bagong food business.
Dugtong pa niya, “Basta kapag may isang bagay na naisipan ka, gawin mo. Huwag ka na choosy, lalo na sa panahon ngayon.
“Sa panahon ngayon, lahat ng puwede mong pagkakitaan basta marangal, basta feeling mo hindi makakasakit ng ibang nilalang, gawin mo kasi lahat, every little bit counts right now, lalong lalo na ngayon,” chika pa ng singer-songwriter.
Ibinalita rin niya sa madlang pipol na nakasulat siya ng mga kanta noong kasagsagan ng lockdown.
“Mayroon po akong bagong kanta I released it two weeks ago ang title niya ay ‘I Wanna Kiss You.’
“Gusto ko sana i-point out na noong panahon na nagkaroon tayo ng pandemic, let’s use it. Kasi itong kanta na ito ay nabuo noong nagkaroon ako ng panahon.
“Hindi man malaki ang pinagkakakitaan but it helps boost your presence, your career. ‘Yung mga maliliit na bagay na ‘yan puwede mong gawin during pandemic,” mensahe pa ni Nyoy.
Samantala, ginamit naman ni Kris ang passion niya sa fashion para magkaroon ng extra income at mas malaki ang posibilidad na magtagumpay ang isang business kapag nandoon ang puso mo.
“Love what you do and do what you love. For me, I love fashion so in-inject ko ‘yon sa mga business na ginawa ko. It’s also a passion,” payo ng bagong R&B Prince.
“Medyo nag-panic ako ng pandemic kasi ang pasok ng revenue talagang bumagsak. So gumawa na ako ng ibang paraan para kumita.
“So nagtayo ako ng ibang business. Ngayon mayroon akong courier business. It’s stationed in Cavite.
“Maraming nawalan ng trabaho. So I have a friend that has a company at ‘yung mga sewer niya nawalan din ng trabaho.
“So since we’re going into the new normal, if we’re gonna stay safe, we might as well be swaggy and stylish. So nabigyan namin ng trabaho ‘yung mga sewer na nawalan ng trabaho,” kuwento pa niya patungkol sa pinasok na business.