“I am a staunch anti-communist.”
Ito ang paglilinaw ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa harap ng kanyang mga pahayag na tumututol sa red tagging sa ilang mga celebrities at ilang personalidad.
“Nitong nakaraang linggo ay mariin akong tumutol sa isyu ng ‘red-tagging.’ This is because I believe that red-tagging people in a very public manner is unfair, unjust and downright cruel,” ayon sa post ni Remulla sa kanyang Facebook page.
Pero hindi ibig sabihin nito aniya ay isa na siyang komunista.
“I do not believe in inciting rebellion nor using terrorism as a means of forcing a change in government. The Constitution may not be perfect, but I am duty bound to support and follow it,” wika ni Remulla.
Noong Oktubre 26, mariing binatikos ni Remulla si Lieutenant General Antonio Parlade Jr., hepe ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines, nang paratangan nito na communist sympathizer si Liza Soberano matapos na magsalita ang aktres sa isang webinar ng Gabriela Youth kaugnay sa karahasang nararanasan ng mga kababaaihan at bata.
Idinawit din ni Parlade si Angel Locsin na umano’y may kapatid na miyembro ng New People’s Army at pati na rin si Miss Universe 2018 Catriona Gray dahil sa kanyang mga aktibidad na tumutulong sa mahihirap.
“It puts people’s lives and security at risk, not to mention the unthinkable damage to one’s reputation,” ani Remulla.
Ipinagtanggol din niya si Manila Mayor Isko Moreno na binansagan din ni Parlade na communist sympathizer matapos na ipatanggal nito ang mga poster na tumutuligsa sa komunismo.
Ibinunyag pa ni Remulla na mismong sa lalawigan ng Cavite ay may mga red tagging activities.
“Isang speaker mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ang nag-tag sa ilang grupo at aktibista as ‘communist terrorists’ during the Strengthened Alliance on Fight Against Illegal Drugs and Terrorism,” wika niya.
Naganap umano ito noong Oktubre 24 sa loob ng Cavite State University.
Pero dahil sa kanyang paninindigan sa mga ganitong isyu, sinabi ni Remulla na batid niyang may mga taong may “maling impresyon” tungkol sa kanya.
Kung kaya’t nilinaw niya na, “I am a staunch ANTI-COMMUNIST.”
Gayunpaman, sinabi ni Remulla na siya ay isang “progresibong” lider. ” I believe that the role of government is to effect change for the better and to administer the power of the state for good.”
Naniniwala rin umano siya sa mga protesta, basta’t isinasagawa iyon sa mapayapang paraan.
“I always make it a point to listen and to reflect. I may seldom agree but I always pick up INSIGHTS relative to what people believe in and/or are fighting for,” ani Remulla.
Sinabi rin niya na mahalaga ang pagkakapantay-pantay ng kasarian.
“I believe in GENDER equality. I believe that empowering women will fundamentally drive better and more sustainable development outcomes for all, including placing the world back on a footing to achieve more,” paliwanag ni Remulla.
Ipinahayag din ni Remulla na mananatili siyang nagtatanggol sa kaparapatang pantao.
“Kailanman ay hindi magbabago ang aking pananaw at paninindigan na ipaglaban ang karapatang pantao. Hindi yata kakayanin ng konsensya ko ang manahimik habang ang mga taong walang kalaban laban ay tinatakot, pilit na ginigipit at pinagmamalupitan.” wika niya.
At panghuli, ipinahayag niya ang suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Yes, marami siyang pagkukulang. Ngunit ako ay naniniwala na ang kanyang liderato ay itinakda ng tadhana. Hindi siya pipiliin ng nakararami at pagpapalain ng Diyos kung hindi tunay ang kanyang adhikain at pagmamahal sa bayan,” ani Remulla.
Si Remulla ay nagtapos ng Bachelor of Arts in Philosophy sa University of the Philippines Diliman.