Tekla hindi pinabayaan ng GMA: Thank you! Sa lahat ng boss, sorry po…

“ANXIETY is real, depression is real.”

Bahagi yan ng naging pahayag ni Super Tekla matapos ang kinasangkutang kontrobersa nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa Kapuso comedian, ang nangyari sa kanila ng dating ka-live in na si Michelle Bana-ag ang pinakamatinding iskandalong hinarap niya sa kanyang buhay at career.

Inakala nga raw niya na hindi niya ito makakaya at baka maging mitsa na naman ng pagkasira niya. Pero nang dahil sa mga taong nagmamahal at naniniwala sa kanya, lumaban siya at nagtagumpay.

“Talagang devastated, sobrang lugmok ako, at hindi ko alam ang gagawin ko,” simulang kuwento ni Tekla sa panayam ng GMA.

“Mag-isa lang kasi ako sa unit ko, so ang ginawa kong remedy is black out lahat, hindi ako nanonood ng TV, Facebook, wala lahat.

“Kinomfort ko ‘yong sarili ko, parang ni-rescue ko ‘yong sarili ko. Ayaw ko makarinig ng ganito, ng ganyan, pero syempre, natural sa atin na pumapasok sa isip mo (kontrobersya), pero hindi ko ini-entertain.

“Anxiety is real, depression is real. Hindi siya birong bagay. kahit sinong pinakamatibay na tao sa mundo once na nakakaranas ng ganu’n, lalo na kung malalim ‘yong sugat tapos patung-patong. Feeling ko kung iba talaga, hindi kakayanin, e,” lahad ng komedyante.

Aniya pa, “Pinakamaganda na advice na nagamit ko is marami ka nang pinagdaanan sa buhay mo, ang dami nang dumaan sa ‘yo, pinagtibay ka na ng panahon. ‘Yon talaga ‘yong nag-standout.

“Tsaka ‘yong ibang alam ko na kahit hindi literal na nagbigay ng advice, talagang alam ko na nanalangin para sa akin. Malaking factor ‘yon para matawid ko ‘tong combong, bonggang-bonggang pagsubok na dumaan sa akin,” pahayag pa ng Kapuso comedian.

Ang isa raw talaga sa inaalala niya nu’ng kasagsagan ng issue sa kanila ng dating live-in partner ay ang kanyang tatay na nasa probinsya.

“Ayaw kong unang-una malaman nila lalo na ng tatay ko kasi matanda na si papa, e.

“Buti na lang si papa medyo mahina na pandinig niya so kahit may magsabi man sa kanya, ‘Ha?’ ‘Ha?’ gaganu’n lang ‘yon,”

“Feeling ko kapag si papa ko naapektuhan wala na, bibigay na ko. At least hindi siya naapektuhan. Kasi kung may unang-unang maapektuhan, ‘yong tatay ko talaga.

“Hindi ko kakayanin ‘yon dahil sa edad niya matanda na at ayaw kong bigyan siya nang sama ng loob,” sabi ni Tekla.

Samantala, looking forward na uling magtrabaho ang TV host-comedian,  “Excited akong bumalik at talagang maraming mas importante at mahalagang bagay na iku-consider ko rather than entertain kung anong makakapagpabagsak sa akin o kung anong makakasira.”

“Sa aking tahanan, sa GMA, thank you. Sa lahat ng boss, sorry po. Nakakatuwa at kahit anong naranasan ko, kumbaga, ayaw kong isipin na sobrang pasaway na ko, but still ‘yong love ng GMA hindi nawawala.

“‘Yon pa lang sobrang ang laki na ng utang na loob ko. Thank you so much!” mensahe naman niya sa GMA na buo pa rin ang suporta sa kanya.

Dagdag pa niyang mensahe, “Sa lahat ng pinagdaanan ko ito ‘yong pinaka matinding weapon ko sa susunod na pagsubok. Siguro parang dadaanan na lang yon.

“Malaking weapon para sa mga susunod na challenges na darating. Feeling ko maha-handle ko na siya ng bonggang-bongga,” chika pa ni Tekla.

Read more...