Cristy Fermin, Lolit Solis makakasama ni Kris sa online talk show; nag-audition sa PBB umabot na sa 76,704

Screengrab mula sa Instagram ni Kris Aquino

Follow-up story ito sa nasulat namin dito sa Bandera kahapon na magkakaroon ng talk show si Kris Aquino na produced ng Puregold.

Ayon sa aming nakalap na impormasyon, “it was part of the endorsement, not really a show.”

Si Kris ang latest endorser ngayon ng Puregold at dahil kasama nga sa kontrata ay magkakaroon sila ng online talk show na mapapanood sa YouTube channel ng PG at makakasama niya sina Nanay Cristy Fermin at Lolit Solis base na rin sa clue na binanggit niya sa kanyang IG account kagabi.

“There’s a reunion involved in that (project), two women are going to be with me plus new people and it’s been sponsored by a store that you go too often, they’re the presentor,” ani Kris.

“The two women would have been important parts of my showbiz talk show journey. ‘Yung isa nakasama ko sa Startalk (Lolit), the other one nakasama ko sa The Buzz (Cristy), so hanggang doon muna tayo,” dagdag pa niya.

Inamin ni Kris na sobra siyang na-excite dahil hindi niya ini-expect na mangyayari ito kaagad dahil ito ‘yung binanggit niya sa naunang post na sa Nobyembre pa magaganap.

Kaya pala lahat ng komentong nabasa namin mula sa followers niya sa IG ay nahulaan kaagad ang bagong project ng Queen of Social Media.

Kasama kami sa naga-abang kung kailan ang online show na ito nina Kris, Nay Lolit at Nay Cristy. Naku, pare-pareho silang may opinyon at maraming baong tsika. Riot ito at siguradong mag-eenjoy ang lahat ng manonood.

Sa kasalukuyan ay nagpapahinga si Kris sa condo unit nila ngayon kasama ang mga anak. At para hindi mainip ay nagkukulay siya ng coloring books na pinabili niya sa kanyang chief of staff na si Alvin Gagui.

* * *

Handa nang KUMUnect kay Kuya ang mga Pinoy mula sa iba-ibang parte ng mundo, na patuloy na dumaragsa sa ginaganap na “Pinoy Big Brother (PBB) Connect” online auditions sa livestreaming app na Kumu.

Kahapon (Oktubre 29), umabot na sa 135,870 ang audition entries, habang 76,704 naman ang aspiring housemates na nagbahagi ng kanilang mga talento at kwento ng buhay upang sila ay makapasok sa bahay ni Kuya. Ito na ang pinakamalaking bilang ng auditionees sa kasaysayan ng sikat na reality show ng ABS-CBN.

Lalo pang nadama ang pananabik at suporta ng sambayanang Pilipino sa “PBB,” matapos umani kaagad ng 1.3 milyon na diamonds ang unang livestream nito ng “PBB KUMUnect,” isang palabas sa Kumu tampok ang audition entries ng aspiring housemates. Ang diamonds ay virtual na regalo sa Kumu na ibinibigay ng manonood sa isang streamer.

Bukod diyan, nakakuha rin ang unang live ng “PBB KUMUnect” ng 526,400 likes habang 127,300 naman ang tumutok sa livestream. Marami pang sorpresa at pakulong mapapanood tuwing 5 pm sa opisyal na Kumu account ng PBB (PBBABSCBN), maging sa iba-ibang social media accounts nito.

Samantala, tuloy pa rin ang online auditions sa Kumu para maging isa sa 12 bagong housemate ni Kuya hanggang Nobyembre 11. Payo ni ABS-CBN entertainment production head Laurenti Dyogi, kailangan lang magpakatotoo ng mga gustong sumali.

“Make sure that it’s an authentic way of presenting yourself. Kasi kung hindi ‘yun ang totoong pagkatao mo, malalaman at malalaman namin ‘yan,” aniya sa isang panayam ng ABS-CBN News.

Hangarin ng ABS-CBN at ng Kumu na magbigay pag-asa at pagtibayin pa ang koneksyon ng mga Pilipino lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng “PBB Connect.” Mapapanood ito sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z channel 11, at via livestreaming sa Kumu.

Para sa updates, bumisita lang sa https://app.kumu.ph/PBBabscbn, i-follow ang “PBB” sa Facebook (PBBABSCBNTV), Twitter (PBBABSCBN), at Instagram (PBBABSCBNTV), at mag-subscribe sa YouTube (Pinoy Big Brother).

Read more...