‘Super Congress’ unconstitutional nga ba?

Nagulat ang ilan sa ating readers ng mabasa nila ang kapangyarihan ng “Super Congress” o mas kakilala sa tawag na bicameral conference committee. Ilan sa kanila ang nagpahayag na ito ay hindi naaayon sa “rule of majority” na sinusunod ng ating Kongreso. Sa mga abogadong katulad natin, marami ang nagsabi na ang “Super Congress” ay isang unconstitutional.

 

Ang ating Constitution ay klaro pag dating sa pagpasa o pag-apruba ng isang panukalang batas (bill). Dapat ito ay dumaan sa tatlong pagbasa (3 seperate days reading rule) bago ito maipasa o ma-aprubahan.

 

Sa FIRST READING, binabasa lang ang title at numero ng panukalang batas at ito ay dinadala sa tamang committee para ito ay mapag-aralan. Kung ito ay makapasa sa committee level, ito naman ay pakikinggan sa second reading.

 

Ang SECOND READING ang pinakamagandang parte ng pagpapasa ng isang panukalang batas dahil dito nagaganap ang debate at interpellation (tanungin ang nagsasalita o sponsor ng panukalang batas) sa plenary session. Dito din nagkakaroon ng amendments sa panukalang batas. Kung sakaling makapasa ulit ito sa second reading, ito naman ay dadalhin ulit sa plenary session para pagbotohan.

 

Sa THIRD READING, pagbobotohan ng mga miyembro kung ipapasa nila o hindi ang panukalang batas. Wala ng ibang dapat maganap sa third reading kung hindi ang botohan. Bago naman maganap ang third reading, itinakda ng Constitution na dapat bigyan ng final copy ng panukalang batas, kasama ang lahat ng amendments na ginawa sa second reading, ang lahat ng miyembro, na hindi bababa sa tatlong araw bago maganap ang third reading. Ito ay para mabigyan ng sapat na panahon at matiyak na nabasa’t naintindihan at napag-aralan ng mga miyembro ang panukalang batas bago magbotohan.

 

Ang 3 separate days reading rule ay dapat masunod maliban na lamang kung ang Pangulo ay nag palabas ng isang certification of urgency. Kung may certification ang Pangulo, hindi na kailangan ng kongreso na sumunod sa 3 separate days reading rule upang maipasa ang isang panukalang batas. Maaari ng dingin ng Kongreso at ma-aprubahan sa loob ng isang araw ang isang panukalang batas.

 

Kung ito ay ulit nakapasa sa third reading, ito naman ay dadalhin sa kabilang kapulungan (House of Representatives o Senate) upang dumaan ulit sa pinag-uutos ng Constitution na magkaroon ng 3 seperate days reading rule.

 

Dahil tiyak na ang panukalang batas na inaprobahan ng dalawang Houses of Congress ay magkaiba o di magkatugma, ang tanging paraan lamang upang magkaroon ng isang version na panukalang batas o yung tinatawag na enrolled bill ay pag uusapan ito sa isang bicameral conference committee. Sa bicameral conference committee, pag uusapan at pagtutugmain ang dalawang magkaibang versions na panukalang batas.

 

Sa proseso na pagtugmain ang dalawang versions, maaaring madagdagan, mabawasan, maiba o mabago ang isang inaprubahang panukalang batas.

 

Ang proseso na ginagawa sa bicameral conference committee ay direktang kontra sa 3 separate days reading rule na ipinaiiral ng Constitution. Una, nagkakaroon pa ng mga amendments sa panukalang batas na nauna ng inaprubahan ng House of Representatives at Senado. Ang amendments sa panukalang batas ay pwede lang mangyari, ayon sa Constitution, sa second reading. Pangalawa, may mga bagong provisions ang naisisingit sa panukalang batas na wala sa original na panukalang batas ng House of Representatives at Senado. Kadalasan, nawawala o tinatanggal din yung ilang provisions sa panukalang batas na nauna ng inaprubahan ng dalawang kapulungan. Ang pag-ratify, kung mayroon man, ng Bicameral Conference Committee Report ng Kongreso ay hindi din alinsunod sa Constitution dahil ito ay kontra sa 3 separate days reading rule.

 

Ngunit ang kapangyarihan ng bicameral conference committee ay sinang ayunan naman ng Supreme Court sa kasong Tolentino vs. Secretary of Finance. Pinagtibay ng korte ang kapangyarihan ng bicameral conference committee laban sa alegasyon na ang pinagkaisang House at Senate bill na ginawa ng bicameral conference committee ay naglalaman ng mga provisions na wala sa original na House at Senate bill.

 

Read more...