NAGPAPASALAMAT si Vina Morales sa Eagle Broadcasting Corporation dahil binigyan siya agad ng dalawang regular show sa NET 25.
Ito ang “Tagisan ng Galing” na napapanood sa Facebook page at YouTube channel ng TNG at sa network mismo.
Isa si Vina sa host ng part 1 ng “TNG” kasama sina Imelda Papin at Marco Sison at magiging hurado naman siya sa part 2.
Bukod sa “Tagisan ng Galing” ay may regular musical variety show din siyang “Kesaya-Saya” kasama ang ex-boyfriend niyang si Robin Padilla na sa unang pagkakataon ay nakasama niya sa isang TV show na nagsimula noong Set. 27.
Aniya, “Finally, I got to work with him sa Net 25, 1st time namin puro movies lang kami.”
Pero si Vina ay sa EBC studio nagre-report samantalang si Robin ay sa bahay niya through zoom.
“Doon nagsu-shoot si Robin at si Mariel (Rodriguez-Padilla) ang camera woman. Ha-hahaha! Coz of pandemic and they have babies (Isabella at Gabriella) pa so bawal lumabas. It’s about OFWs so pasok ang theme, Sundays, 6:30 p.m. kami,” kuwento ni Vina.
At mas masaya pa ngayon ang singer-actress dahil nalaman niya na maganda ang feedback ng “Kesaya-Saya” kaya posibleng abutin pa ito ng 2021.
May offer naman daw kay Vina ang ABS-CBN kaya lang hindi niya tinanggap, “There was an offer for a teleserye but lock in nang matagal, e, hirap pa iwanan si Ceana (anak niya), kaya thankful ako na may Kesaya-Saya at Tagisan ng Galing,” sabi ng aktres.
Samantala, bukod sa dalawang programa ni Vina ay sinabayan na rin niya ito ng pagbebenta ng Gourmet Tuyo, Binisayang suka, peanut butter at bagoong para pandagdag kita.
Kuwento niya sa amin, “Medyo stressful lang ‘yung delivery and inquiries, but that is good news kasi maraming interested, masasanay din kami doing online.
“’Yung Sukang Binisaya ako talaga ang gumagawa. Alam ko ring gumawa nu’ng gourmet tuyo at bagoong, pero dahil sa rami ng orders need ko ng supplier and also sa peanut butter,” aniya pa.
Zero pa rin ang lovelife ni Vina at ang anak at career daw muna ang prayoridad niya ngayon lalo’t may pandemya pa.