Mimiyuuuh nagpa-Empty House Tour: de-pindot ang CR, may walk-in closet pa

“FIRST time in my life na nagkaroon kami ng microwave!” Yan ang pag-amin ng internet sensation-vlogger na si Mimiyuuuh sa ginawa niyang pa-house tour sa bago niyang bahay.

Ipinost ng content creator sa kanyang YouTube channel ang latest vlog na ginawa niya na may titulong, “Empty House Tour ni Mimiyuuuh (Dream Come True!).”

“Empty House” ang inilagay ni Mimiyuuuh dahil wala pa talagang mga gamit sa loob ng bahay pero tapos na ang construction nito kabilang na ang mga kwarto at ang bonggang swimming pool.

Simulang chika ng social media influencer, “Magpapa-house tour na po ako. I’m so excited to share kasi marami pong nag-abang simula nu’ng nag-post ako ng 69 questions video ko.

“Pagkapasok ko po talaga sa bahay na ito, sobrang na-feel ko ‘yung home kasi marami siyang plants.

“Hindi siya ganu’n kalaki pero kapag na-feel mo ‘yung home vibe, ‘yun na po talaga. So hindi na kami naghanap ng iba. Super happy din nina Inay at Tatay dito,” pahayag ng vlogger.

Sa sumunod na eksena, ipinakita ni Mimiyuuuh ang malawak na parking lot at ang kanilang dining at kitchen area, “Sobrang hangin at grabe po ‘yung pasok ng sunlight dito sa bahay.”

Wala pang mga gamit sa bahay kaya maluwag na maluwag pa ang loob nito, “One step at a time po kami ngayon, naghahanap pa po kami ng mga furniture na puwedeng ilagay dito sa bahay.

“Actually, kahit konti lang po ‘yung furniture hindi na po ako choosy kasi ang ganda na po ng flooring, ang ganda na po ng ceiling at ang ganda rin po ng mga ilaw,” aniya pa.

Excited ding ibinandera ni Mimiyuuuh ang kanilang malawak na kusina lalo na ang induction cooker at microwave oven na naroon, “Actually, first time in my life na nagkaroon kami ng microwave.”

Ang next na pinuntahan niya ay ang swimming pool area na talagang isa sa ultimate dream niya, “Sobrang na-in love po ako sa bahay na ito. Sobrang nakaka-excite umuwi.”

Para naman sa kanilang banyo, meron daw itong Japanese-style toilet bowl system, “Ang problema ko lang sa dito sa bahay. ‘yung mga CR parang Japanese-style na de pindot. Ako kasi sanay lang sa mga tabo. Mga gusto ko rin ng bidet.”

“De pindot siya, nasasayangan ako sa kuryente kasi kahit hindi mo siya ginagamit nakasaksak siya. Ang plano ko po, magpa-bidet na lang kami,” natatawang chika ni Mimiyuuuh.

Ang next scene naman sa video ay ang kanilang second floor kung saan nakapwesto ang family’s bedrooms.

“Doon po sa luma naming bahay, nasa iisang kuwarto po kami, kaming tatlo na po nandoon sa isang kuwarto. Ngayon may kanya-kanya na kaming kuwarto.

“Wala pa talaga kaming gamit, ang iniisip ko kasi one step at a time. Hindi ko nira-rush ‘yung sarili ko.

“Gusto ko itong second floor kasi gusto ko ‘yung view ng stars. Kaya may time siguro second-day namin ‘yun dito ako tumambay nakatingin lang ako sa mga stars. Nare-relax lang ako kapag nakatingin ako sa mga stars, I love stars.

“I super love this, napi-feel mo talaga ‘yung hangin. Ang ganda rin ng view dito, kita niyo ang pool area,” sey pa ng YouTuber.

Bumalik siya sa first floor para ipakita ang kanyang sariling kwarto na may walk-in closet at sariling banyo, “Pagkagising ko rin dito sa kuwarto grabe ‘yung liwanag parang it can make you more energetic and ready to strive.

“Makikita mo ‘yung view ng lahat ng pinaghirapan mo. This is the fruit of your hard work,” aniya pa.

Sa huli, nagpasalamat uli si Mimiyuuuh sa lahat ng sumuporta sa kanya kabilang na ang milyun-milyon niyang subscribers sa YT dahil natupad na ang pangarap niyang maipundar ang kanyang dream house.

“Gusto ko rin pong magpasalamat sa inyo kasi kung hindi rin kayo nanonood ng aking mga video hindi ko rin ito mabibili,” mensahe ni Mimiyuuuh sa madlang pipol.

Read more...