Hirit ni Bea sa pang-aasar ni Mimiyuuuh: Palayasin na nga ‘to dito!

“NAPAKAGANDA po ng bahay ni Ms. Bea Alonzo, akyatin n’yo po!”

Ito ang seryosong sabi ni Jeremy Sancebuche o mas kilala bilang si Mimiyuuuh na may 3.17 million subscribers na sa YouTube.

“Ay, biglang may magnanakaw na pala,” natawang reaksyon naman ni Bea sa sinabi ni Mimiyuuuh.

Inimbitahan ni Bea ang sikat na vlogger para ipaliwanag sa kanya kung ano ba talaga ang vlogging at dahil maraming ipino-post ang aktres sa kanyang YT channel ay puwede na raw ba siyang tawaging vlogger at anong klaseng vlogger na siya?

“Medyo nako-confuse ako that’s why I invited someone to figure it out, someone who is so lovable, someone who is very successful in the world of YouTube. I hope she can help me as Bea-Does vlogging,” simula ng aktres.

Pinuri muna ni Bea si Mimiyuuuh dahil nabili na nito ang dream house para sa pamilya niya nang dahil sa pagiging YouTube content creator.

Biro naman ng vlogger, “Hindi pa po full payment, kaya nga ako nandito baka puwedeng humingi ng komisyon.”

“Ah, eh, pinakain na nga,” birong bulong ng dalaga sa sarili.

“Biro po. Ang sarap sa feeling po na ‘yung dream mo talaga for your family (bahay),” sabi ni Mimiyuuuh.

Bumilib si Bea dahil isang taon at anim na buwan pa lang nagba-vlog si Mimiyuuuh ay may 3.17 million subscribers na ito.

Nagtapos sa College of St. Benilde si Mimiyuuuh ng kursong fashion design at nasubukan namang magtrabaho sa isang kilalang fashion designer bilang assistant.

At dito na tinanong ni Bea kung anong dapat niyang gawin as vlogger at dahil kumakain sila, sinabi ni Mimiyuuuh na considered “mukbang” na ang episode nila ng aktres.

“Habang kumakain ka at naubos mo, mukbang ‘yun,” say ng sikat na vlogger.

Iba rin daw ang tinatawag na foodie vlogger, “Ang foodie vlogger po kasi ay nagre-review ka, so puwede kang mag-click bait ng, ‘hindi masarap ang pagkain na to.’ Kasi ganyan ang mga tao, gusto negatibo at lahat nakikita.”

Pinuri rin ni Bea na kahit malakas kumain si Mimiyuuuh ay maganda ang pangangatawan nito, “Sana ganyan din ako,” sambit ng aktres.

Biglang hirit sa kanya, “Bata pa po kasi ako Ms. Bea.”

“Palayasin na nga ‘to dito,” birong sabi ng aktres. Edad 33 na kasi si Bea at si Mimiyuuuh ay 23 years old lang.

Napag-usapan ng dalawa ang iba’t ibang klase ng vlogger tulad ng ASMR o autonomous sensory meridian response o gumagawa ng ingay. Sinubukan naman ito ng aktres, “Ay hindi ito para sa akin.”

Sundot na tanong pa, “Paano ‘yung fashion vlogger? English kasi ‘yun, e, hindi naman ako Inglisera?”

“Ang target audience mo naman po ay mga Pilipino at puwede ka namang mag-Tagalog. Kaya nanonood ang tao sa ‘yo bilang fashion vlogger kasi alam mo ‘yung what works for you and what works for others,” paliwanag ni Mimiyuuuh.

Dagdag pa niya, “Puwede kang maging fashion vlogger Ms. Bea.”

Natuwa naman ang aktres sa sinabi ng social media influencer, “Ay puwede nga? Hayan may option na ako. Okay, what if gusto kong maging beauty vlogger?”

“Feeling ko pag beauty vlogger, hindi ka lang dapat maganda, dapat alam mo ‘yung sinasabi mo,” payo ni Mimiyuuuh.

“Let’s say ito, product ito, gagawa ako ng skin care review,” tanong ng dalaga.

Ang payo ulit sa kanya, “Dapat gumaganyan (mga kamay) mo tapos (kumikibit-balikat na eksaherado).”

“Hindi ba mukang tanga ‘yun?” tanong ni Bea.

“Pag ganyan ka nang ganyan (kibit-balikat), 3 million views ka agad Ms. Bea,” say ni Mimiyuuuh sa aktres.

At ang naisip ni Bea na transition ng vlog niya, “Life is BEAtiful.”

Hiningan ng payo ni Bea si Mimiyuuuh sa mga aspiring vloggers lalo na ang mga kabataan ngayon na halos lahat ay gustong pasukin ang pagba-vlog.

“Kung may opportunity po silang mag-aral magtapos muna sila kasi dapat bilang vlogger may responsibility ka sa mga nanonood sa ‘yo,” say ni Mimiyuuuh.

“Salamat sa pagpunta mo at sa mga payo mo, sana ako rin maimbitahan mo sa bahay mo,” saad ni Bea.

“Naku, Ms. Bea hindi pa po ayos, wala pa pong bidet. Ha-hahaha!” natawang sabi nito.

“Sige ako na lang magpo-provide ng bidet mo. Basta thank you for being here, thank you for all the advice and figure out what kind of vlogger I will be,” sabi pa ng aktres.

Umabot na sa 430,000 views ang collaboration nina Mimiyuuuh at Bea makalipas lang ang ilang oras mula nang i-upload ito sa YouTube.

Read more...