BUMUWELTA kaagad ang Palasyo sa mga kritiko nito matapos niyang sabihin sa publiko nitong Biyernes na pabor na siya sa pagbuwag sa pork barrel.
Sabi kasi ng kanyang mga kritiko, daldal nang daldal si PNoy tungkol sa pag-abolish sa pork barrel pero dedma lang sa sarili niyang pork barrel. Bakit nga naman di niya masabi na tatanggalin din niya ang kanyang sariling pork.
Kaya to the rescue kaagad si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad. Hindi raw pwedeng tanggalan ng pork si PNoy dahil kailangan niya ng contingency funds para may magamit sa oras ng mga kalamidad.
Banat pa ni Abad sa mga kritiko ni PNoy, sumasakay lang daw ang mga ito para malagay sa pangit na imahe si Aquino.
Obvious naman naginawa ni PNoy ang pagdeklara niya nitong Biyernes na i-abolish na ang pork para mapigilan ang nakaambang malaking protesta sa Lunes kontra pork barrel.
Oo nga’t maraming natuwa sa deklarasyon ni Aquino na tatanggalin na ang pork barrel, iba naman ang mga sumunod niyang mga pahayag.
Batay sa mismong eksplanasyon ni Aquino, hindi tatanggalin ang pork barrel kundi hihigpitan lamang ang paggamit nito na kung saan magiging line item na ito sa panukalang budget simula 2014. Mismong si Budget Secretary Abad ang nagkumpirma na mananatili ang PDAF sa budget at magpapatupad lamang ng mga mekanismo para sa istriktong paggamit nito.
Sa press conference ni PNoy noong Biyernes, bakit sumentro lamang ang pahayag sa mga iregularidad sa paggamit ng PDAF sa panahon ng nakaraang administrasyon mula 2007 hanggang 2009 ngunit kung pagbabasehan ang naging pahayag ng whistle blower na si Benhur Luy hinggil sa P10 bilyong pork barrel scam na sangkot ang pinaghahanap na si Janet Lim-Napoles, ang mga iregularidad ay nangyari maging sa kasalukuyang administrasyon. Sa katunayan ilang ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang Department of Agriculture ang sumabit, maging si Secretary Proceso Alcala.
Pero kahit pa anong sinabi ni PNoy noong Biyernes, dapat panindigan ng taumbayan ang pagkontra sa pork barrel. Maging mas mapagbantay nang hindi na maibulsa ng iilan ang pondo ng gobyerno para sa pansarili nilang interes. Abangan na lang natin bukas ang magiging resulta ng protesta kontra pork barrel.
DA who naman itong opisyal ng Malacanang na binara sa Twitter matapos ang tweet nito hinggil sa pagpasok ng mga empleyado ng gobyerno. Sa kasagsagan ng Habagat noong Martes, madaling araw nang ideklara ng Palasyo na balik opisina na ang mga government employees.
Sabay tweet ang opisyal na maging siya ay papasok sa kabila ng napakalas na ulan at mga nararanasang pagbaha. Binara naman siya ng isang follower niya sa pagsasabing hindi problema sa opisyal ang pagpasok dahil naka-SUV naman siya gayong nagko-commute lamang ang mga ordinaryong empleyado ng gobyerno. Ang ending, pasado alas siyete ng umaga nang ideklara na rin ni Executive Secretary Ochoa ang suspension ng pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.
Isa pang inirereklamo ay si Quezon City Mayor Herbert Bautista. Laging huli si Mr. Mayor kung magdeklara ng suspension ng klase. Aantayin na muna niya lahat na makapag-anunsiyo bago siya magdesisyon kung magpapasuspinde ng klase o hindi. Gaya-gaya-puto-maya!
Noong Miyerkules ng hapon, ang aga niyang nagdeklara na maypasok na ang Quezon City sa araw ng Huwebes. Sa kabila ng napakalakas na ulan na naranasan sa magdamag, may pahayag pa ang opisina niya na 4am pa magdedesisyon kung isususpinde ang klase. Tinotoo nga ang sinabi at bago mag 4am nang ideklara niyang wala pa ring pasok sa elementarya at high school. Usap-usapan tuloy ng mga magulang ang napakatagal niyang pagdedesisyon hinggil sa walang pasok.
Para sa komento at tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.