PINATULAN ng TV host-actor na si Billy Crawford ang isang netizen na nagsabing darating ang panahon na maghihiwalay din sila ni Coleen Garcia.
Hindi pinalampas ng singer ang pangnenega ng basher sa relasyon nila ni Coleen at talagang sinupalpal niya ito nang bonggang-bongga.
Nag-post kasi si Billy ng latest photo nila ng panganay na anak na si Baby Amari sa Instagram na pinusuan at ni-like ng libu-libo niyang followers.
Maraming nagkomento na bilib sila sa TV host dahil kahit busy na uli sa pagtatrabaho ay hands on pa rin siya sa pag-aalaga sa baby nila ni Coleen.
Ngunit may isang netizen ang nambasag sa IG post ni Billy na nagsabing, “Katagalan pag sinubok kayo ng panahon maghihiwalay din kayo ng mama niyan.”
Resbak naman ng TV host sa kanya, “First of all, ‘pag ang Panginoon ang nasa gitna ng relationship mo, nothing can stop it.
“Second, itong panahon natin ng pandemya, nag-iisip ka pa ng dagdag negatibo sa mundo.
“May God guide you and keep you and your family safe from harm. ‘Wag kang mag-alala, ipagdadasal namin ng asawa ko ang kabutihan mo,” bwelta pa ni Billy sa hater.
Madalas na nagpo-post ang singer-actor sa IG ng mga litrato ni Baby Amari at palagi niyang sinasabi na ang pagkakaroon ng anak ang isa sa pinakamagandang nangyari sa buhay niya.
“Sobrang araw-araw ako talaga nagpapasalamat sa Diyos na biniyayaan kami. Hindi ka lang makapaniwala. Alam natin na lahat tayo may pinagdadaanan sa buong mundo.
“Pero ‘yung mafi-feel mo sometimes na, ‘Lord, alam kong hindi ko deserve ito pero binigay mo pa rin,’ doon ako talaga nagpapasalamat. Hiningi ko, binigay Niya,” ang pahayag ni Billy sa isang panayam.
Abot-langit din ang pasasalamat niya kay Coleen sa lahat ng hirap at sakripisyo nito bilang mommy ng kanilang panganay.
“Once ‘yung experience na makikita mo ‘yung natural birth at its finest, yung nasasaktan siya pero sinasakripisyo niya lahat para malabas lang ‘yung anak mo, ‘yung pagmamahal mo at yung beauty ng moment na ‘yun, hindi mo mae-explain. Sa buong buhay ko, hindi ko ipagpapalit ‘yung day na pinanganak ‘yung anak namin,” aniya pa.