Ivana biktima ng sexual harassment: I’ve experienced people touching my body without permission

BIKTIMA rin ang Kapamilya sexy actress-vlogger na si Ivana Alawi ng sexual harassment.

Inamin ng dalaga na ilang beses din siyang binastos at hinaras ng mga kalalakihan noong nagmomodelo pa siya at rumaraket sa mga events.

Nagsalita si Ivana tungkol sa mga naging karanasan niya noong kabataan niya sa gitna ng pagre-red tag sa mga kapwa niya artista na sina Liza Soberano, Angel Locsin at Catriona Gray.

Sa ginanap na virtual mediacon para sa twinbill horror movie ni Ivana na “Sitsit,” natanong siya kung ano ang masasabi niya sa kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng mga kapwa niya Kapamilya female stars.

Ayon sa dalaga, bilib siya sa ginagawang pakikipaglaban nina Angel, Liza at Catriona para sa women’s rights and welfare at wala raw siyang nakikitang masama rito.

At dito nga niya naikuwento ang ginawang panghaharas sa kanya noong nagsisimula pa lang siyang magtrabaho bilang events model.

“I’ve experienced this before, when I worked in events, when I used to do modeling.

“I’ve experienced so many harassment. Not just catcalling. I’ve experienced people touching my body without permission. This is not right. Doon ako palagi sa tama,” lahad ni Ivana.

Aniya pa, walang karapatan ang kahit sino na bastusin ang isang tao nang dahil lang sa suot niyang damit o sa kanyang trabaho. Hindi rin daw tama na husgahan ang isang babae base lamang sa mga ipino-post niya sa social media.

“Respect people, kahit babae ‘yan, lalaki ‘yan. We need to be respected. No matter kung ano ‘yung suot, dapat nirerespeto mo,” diin pang pahayah ng sexy star.

Dagdag pa niya, “Especially mga babae, they deserve to be respected and they deserve to be loved. Women are very strong, women bring life to this world. Dapat nirerespeto sila.”

Samantala, nakapangingilabot na kababalaghan ang sasapitin nina Jake Cuenca at Ivana Alawi dahil sa pagnanasang magkapera at ibigin sa back-to-back horror films ng “Sitsit” series. Mapapanood na ito simula Okt. 31 sa iWant TFC streaming service.

Hatid ng “Sitsit” ang magkaibang kwento ng “Scorpio” at “Aswang” tungkol sa dalawang taong mababalot ng kasamaan matapos nilang takasan ang masalimuot nilang mga buhay.

Sa “Scorpio,” gagampanan nina Jake at Dido Dela Paz si Danny, isang matandang photographer na natatakot mabuhay nang walang nagmamahal sa kanya. Dahil sa pagnanasa niya sa isang dalaga, iinom siya ng isang misteryosong gayuma na magpapabalik sa kanya sa pagkabinata para maakit niya ang babae.

Sa “Aswang” naman, makikilala si Joyce (Ivana), isang prostitute na madalas imaltrato ng kanyang mga kliyente pero pinipiling kumita ng pera para sa kanyang pamilya. Magbabago rin ang kanyang kapalaran nang makilala niya si Nala, isang asong sasamahan siya sa bawat problema at magbibigay sa kanya ng inaasam niyang buhay.

Ang “Sitsit” ay hango sa mga alamat na kapag sinundan ng isang tao ang misteryosong sitsit ay may mangyayaring masama. Bibigyang diin sa back-to-back movies ang mga elementong Pilipino na aswang at gayuma at kung paano nito maaapektuhan ang malalagim na karanasan nina Danny at Joyce.

Idinirek ni Ato Bautista ang “Scorpio,” habang ang “Aswang” ay idinirek ni Erin Pascual. Si Paulo Avelino rin ang isa sa producers ng “Aswang.”

Panoorin ang “Sitsit” sa iWant TFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com simula Oktubre 31.

Read more...