KINONDENA ng ABS-CBN ang ginagawang pagre-red tag ng ilang grupo sa mga Kapamilya stars na sina Angel Locsin at Liza Soberano.
Suportado ng Kapamilya Network ang pakikipaglaban nina Liza at Angel kontra pang-aabuso at pananakit sa mga kabataan at kababaihan.
Hindi raw makatwiran na mabansagang komunista ang isang artista na nagbibigay lamang ng inspirasyon at tulong sa mga biktima ng crime and violence.
Narito ang official statement ng ABS-CBN tungkol sa kinasasangkutang kontrobersya ng dalawang aktres.
“Itinataguyod ni Liza Soberano ang mga karapatan ng kababaihan at sinusuportahan ang mga hakbang na nangangalaga at nagsusulong ng interes ng kababaihan.
“Kaisa ang ABS-CBN at Star Magic sa pagsasalita ni Liza Soberano laban sa mga paglabag sa karapatan ng kababaihan. Ito ay sarili niyang paninindigan at hindi ng sinumang tao o grupo.
“Sana ay hayaan natin ang mga taong malayang makalahok sa mga makabuluhan at makatwirang talakayan ng mga isyu nang hindi nababansagang komunista.”
* * *
“Lubos na nababahala ang ABS-CBN sa maling pagbabansag kay Angel Locsin bilang miyembro ng NPA.
“Ang pagkakawanggawa at pagpapahayag ng sariling opinyon ay hindi dapat gawing basehan para tawaging miyembro ng mga komunista.
“Naniniwala kami na tulad ng sinumang Pilipino, karapatan ni Angel na magpahayag ng kanyang sarili at manindigan para sa kanyang mga prinsipyo nang walang paghuhusga.
“Sinusuportahan namin si Angel sa patuloy niyang paglalaan ng oras at talento sa pagtulong sa kapwa.”