“KAPAG lumabas na ang balita sa INQUIRER.net, totoo na yun, hindi fake news!”
‘Yan ang palaging sinasabi ng ilan naming kasamahan sa entertainment media kapag may gusto silang i-confirm na chika o issue tungkol sa isang celebrity o kilalang artista.
Ganyan katindi ang kredibilidad ng INQUIRER.net sa mga mambabasa at netizens na araw-araw naghahanap ng sariwa at maiinit na balita.
Mula sa national issues, current events, entertainment news, sports hanggang sa lifestyle, health and fitness, kumbaga sa buffet, pipili ka na lang ng gusto mong tikman o lantakan — dahil kumpletos-rekados na ang laban.
Ngayong buwan, 23 years nang naghahatid ng balita at impormasyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang INQUIRER.net at siyempre, damay na ang Inquirer Bandera sa pagpupunyagi at tagumpay ng INQUIRER.net.
Ilang taon nang kapamilya, kapatid, kapuso at kadabarkads ng INQUIRER.net ang Bandera na nagsisilbi ring source ng madlang pipol sa mga showbiz chika, trending at viral na mga eksena at maiinit na balita sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ang nagsisilbing tambayan ng masang Pinoy online na ang hanap ay mga pampa-good vibes, pang-aliw at pang-alis umay sa nakasasawa nang problema ng bawat Filipino.
Siyempre, nandiyan pa rin ang mga challenges lalo na nang dumating ang pandemya dulot ng COVID-19 ngunit hindi nagpatalbog sa killer virus ang tambalang Bandera at INQUIRER.net.
Masasabing naka-adapt naman agad sa new normal ang mga writer at reporter kasabay ng pagiging creative at resourceful sa paghahanap ng showbiz chika.
Hindi naging madali ang adjustment sa new normal coverage pero malaking tulong din sa paghahatid ng entertainment news through online and digital platforms ang isinasagawang Zoom media conference ng mga film companies at TV networks.
Kailangang sumabay sa agos ng buhay, kailangang bukas sa mga pagbabago, dapat laging “open minded” sa iba’t ibang panlasa ng mambabasa para masigurong naibibigay ang mga putaheng bubusog sa kanila.
Nang dahil sa INQUIRER.net mas lumawak pa ang audience ng Bandera, mas dumami ang likes, ang shares, ang nagko-comment, at mas tumaas ang kredibilidad sa larangan ng pagbabalita bilang isang media organization.
Siguradong tatagal ng maraming-maraming taon ang INQUIRER.net sa digital at online world at siyempre, ka-join pa rin diyan ang pag-ariba ng Bandera dahil sa bonggang partnership at collaboration.
Totoong-totoo ang tema ng ika-23 anibersaryo ng INQUIRER.net ngayong taon na “We are you” — dahil kayo, para sa inyo, at dahil sa inyo kaya buhay na buhay pa rin at patuloy na nagbibigay ng mahahalaga, makabuluhan, nakaaaliw at mga pampa-good vibes na impormasyon ang INQUIRER.net at Inquirer Bandera.