Kanselado ang taunang pagparada ng Itim na Nazareno sa Maynila sa darating na Enero 9, ayon sa pahayag ng pamahalaan ng Maynila ngayong Biyernes.
“The grand procession of the image of the Black Nazarene will no longer push through on January 9, 2021 due to the COVID-19 pandemic,” wika ng Manila Public Information Office.
Ito ay matapos mag-usap ang mga opisyal ng Manila City government at ng Minor Bacilica of the Black Nazarene o mas kilala sa tawag na Quiapo Church at magpasyang ikansela na muna ang Translacion dahil sa malaking panganib na maaaring maidulot ng selebrasyon sa kalusugan ng mga deboto.
Milyong Katolikong deboto ang dumadalo sa taunang prusisyon ng imahe ng Mahal na Poong Nazareno na pinaniniwalaang nagpapagaling sa mga maysakit at tumutugon sa iba pang panalangin ng mga deboto. Nitong nakaraang Enero 9, mahigit sa dalawang milyon ang sumama sa prusisyon na tumagal nang may 16 na oras.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na maaaring ikapahamak lamang ng mga debotong Katoliko kung itutuloy ang selebrasyon.
“Nakikisuyo po ako, iwasan po muna natin ang mga parada at prusisyon ngayong may pandemya dulot ng sakit na COVID-19. Maaari pong mapahamak ang ating mga deboto, mailagay sila sa alanganin,” ani Moreno.
Sinabi naman ni Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel na magdaraos pa rin ang simbahan ng Banal na Misa para sa mga deboto ng Itim na Nazareno.
“Ang mangyayari po sa January 9 ay patuloy na mga misa, at yung ating mga bikaryo ay ilalagay po natin sa canopy po sa labas ng simbahan,” ani Coronel.
Ang Itim na Nazareno ay inukit ng isang di kilalang Mehikano noong 16th century sa Mexico at ipinadala sa Pilipinas noong 1606.