Hugot ni Dennis: ‘Wag kang magtitiwala sa lahat ng tao sa paligid mo

KAKAIBANG challenge ang hinarap nina Kapuso Drama King Dennis Trillo, Kapuso Sweetheart Rhian Ramos at Ultimate Star Jennylyn Mercado sa pinakabago nilang project sa GMA 7.

Bukod sa pagsunod sa ipinatutupad na health protocols sa new normal taping, matinding hamon din ang pinagdaanan nila para sa kanilang mga role sa “I Can See You: Truly. Madly. Deadly.”

Dahil medyo matagal-tagal din silang napahinga sa pag-arte dahil sa COVID-19 pandemic, aminado ang tatlong Kapuso stars na medyo effort ang muli nilang pagharap sa mga camera.

“Challenged kami rito sa mga roles na binigay sa amin kasi hindi ito ‘yung pangkaraniwan na parang love team na may ordinary na love story.

“Ito, parang mas ipinakita ‘yung human side ng bawat character, e,” pahayag ni Dennis sa panayam ng GMA.

“Hindi ko nga masasabi siya na grey, e. Gusto ko sabihin na mas human ‘yung character kasi hindi naman talaga siya mabait. Wala naman talagang taong purong mabait, wala namang purong masama,” dagdag pa ng aktor.

Kuwento pa ni Dennis tungkol sa kanyang role, “Ako si Drew. Ako yung IT technician sa resort. Matagal nang nagtatrabaho roon. Tapos may gusto ako du’n sa boss namin. Si Jen ‘yung boss namin du’n.”

“Ako naman si Coleen, manager ng isang resort tapos nagpakalayu-layo. Napunta ako du’n sa resort na ‘yon dahil mayroon akong pinagdaanan” sey ni Jennylyn.

“Kailangan kong makatakas du’n sa madilim na past na ‘yon. Du’n ako nakabuo ng bagong buhay at nakilala ko si Drew doon.

“Tapos si Abby, best friend ko nu’ng highschool pa kami at after a long time, magkikita kami ulit at du’n malalaman ‘yung mga pinagdaanan naming dalawa,” kuwento pa ng aktres.

“’Yung character ko rito, her name is Abby. Currently, parang vlogger na siya na malaki-laki ang following. Mayroon siyang very dark na past na nalagpasan.

“Dati kasi kaming best friends ni Coleen, ‘yung character ni Jen. So ngayon, pupunta ako sa resort na ‘to para bigyan ng review and du’n kami magkikita ulit. Maraming babalik na feelings and pains from the past,” chika naman ni Rhian.

Sabi ni Jen, iba’t ibang emosyon ang mapi-feel ng manonood sa kuwento ng “I Can See You: Truly. Madly. Deadly.” Sa trailer pa nga lang ay mapapaisip ka na kung saan nanggagaling ang mga karakter nila.

At kung may isang aral naman na mapupulot ng viewers sa kuwento, sey ni Dennis, “Sa tingin ko, pinakamagandang aral na mapupulot nila rito ay ‘yung ‘wag kang magtitiwala sa lahat ng tao sa paligid mo.”

Magsisimula na tonight ang “I Can See: Truly. Madly. Deadly” sa GMA Telebabad, after “Encantadia”, directed by Jorron Lee Monroy. Makakasama rin dito sina Jhoanna Marie Tan at Ruby Rodriguez.

Read more...