Kasambahay.
Sila ay mahalagang bahagi sa isang tahanan. Sila ang nagsisigurong kumakain ang bawat isa, na may malinis na bahay. Nagsisigurong may maayos na damit na maisusuot ang bawat isa. Sila ang nag-aalaga ng mga bata. Naghahatid sa eskwela.
Dahil sa kanila, ang kanilang mga “Ate” at “Kuya” ay nagkakaroon ng pagkakataong maghanap-buhay o gawin ang mga bagay para sa kanilang career o personal development na mahihirapan nilang maisakatuparan kung walang gagampan ng mga pang-araw-araw na gawain sa bahay.
Sa tahanan ng actress na si Dimples Romana at kanyang asawang si Boyet Ahmee, si Vilma o Ate V ang kanilang kasama sa bahay.
“She has been with us for 17 years, opo, kasing haba na din ng taon ng pag aasawa namin ni Papa Boyet at ng pamilya namin,” wika ni Dimples sa kanyang house tour vlog sa YouTube.
Para sa mag-asawa, “biggest blessings in life” para sa kanila si Ate V.
Kaya naman, hinihingi nila ang opinyon ni Ate V sa mga mahahalagang desisyon ng pamilya gaya ng pagbili ng bagong property.
Dahil dito ay kasama siya sa isang house tour para bisitahin ang bahay na binibili nina Dimples at Boyet para umano paupahan. Kung hindi aprubado sa kanya, hindi ito bibilhin ng mag-asawa.
Kung tatanungin mo si Ate V, ang pagkakaroon din ng sariling bahay ay isa sa mga pangarap niya.
“Pinapangarap ko po ay gusto ko ring magkaron ng konting bahay para kahit papano kung aalis man ako sa kanila may matutuluyan ako,” wika niya sa vlog ni Dimples.
Walang kamalay-malay ang tubong Zamboanga na kasambahay na sa araw na iyon ay matutupad na ang kanyang pangarap.
Dahil ang totoo, ang house tour ay gagawin sa townhouse unit na sorpresang regalo sa kanya ng mag-asawa.
Pagkarating sa two-storey unit, inisa-isang tingnan at sinuri ni Ate V ang iba’t ibang parte nito: mula pa sa steel gate, receiving area, kitchen, comfort room, backyard, hanggang sa bedroom sa second floor. Happy siya sa kanyang nakikita at aprubado sa kanya na bilhin nina Dimples ang bahay.
Pero nang yayain na siya ni Dimples sa main bedroom, laking gulat ni Ate V nang makita dito ang kanyang standee at gold balloon letters na nakadikit sa dingding at nagsasabing, “Oo para sayo ito.”
“Oy ano ba yan. Bakit ako. Para sa akin ba yan?” ang gulat na tanong ni Ate V nang makita ang mensahe.
“Oo, para sa iyo yan,” sagot ng mag-asawa sa dalaga.
Hindi maitago sa mukha ng kasambahay ang sobrang pagkabigla, at sa pagkakataong ito ay umiiyak na si Ate V.
“Salamat sa iyo Ate V,” wika ni Dimples. “Hindi namin maaabot ang mga pangarap namin, kung walang Ate V kaming kaagapay sa araw araw na pamumuhay.”
Inalala pa nina Dimples at Boyet noong panahong nagsisimula pa lamang sila bilang mag-asawa. Ikinasal sila taong 2003 at biniyayaan ng dalawang anak, sina Callie at Alonzo.
“Kasama na namin sya nung nagsisimula pa lang kami. Puro dasal at pangarap pa lang kami nun. Nagsisimula pa lang mag ipon,” ani Dimples.
“May mga buwan na late namin syang nababayaran ng sweldo dahil abot abot ang mga gastusin namin. I would always ask her and tell her pwede na nya kaming iwan dahil nahihirapan na kami to give her her salary, and yet through thick and thin, hirap at ginhawa, sa meron at wala, hindi nya kami iniwan,” wika pa niya.
Tumatawa at umiiyak si Ate V na hindi inakalang makakatanggap siya ng ganon kalaking halagang regalo.
“Maraming salamat po,” wika niya habang si Dimples ay tumutulo na rin ang luha.
Sa pagkakataong ay mahigpit na niyakap ng mag-asawa si Ate V.
Pahayag ni Dimples: “Punong puno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos, dahil ngayon, maibabalik na namin sa kanya ang lahat ng pagmamahal at taon na ibinuhos nya sa amin. Eto ang pasasalamat namin sayo Ate V.”
“Happy ka girl?” tanong pa ni Dimples.
At ang sagot ni Ate V: “Haping-happy ako Dims. Thank you, thank you… Wala na akong masabi. Ayoko nang magsalita baka maiyak na naman ako.”