IBANG-IBA ang nakaplanong garden wedding nina KZ Tandingan at TJ Monterde sa naganap na kasal nila kamakailan.
Ayon kay KZ, talagang pinag-isipan at pinag-usapan nila ni TJ kung itutuloy ba nila ang kasalan kahit may banta pa rin ng COVID-19 o ire-reschedule na lamang ito kapag bumalik na sa normal ang lahat.
Siyempre, ang unang-unang concern nila ay ang pagdalo ng kani-kanilang pamilya dahil nga ipinagbabawal pa rin ang mga large gatherings sa ipinatutupad na safety and health protocols sa bansa.
Ngunit sa huli, sinunod pa rin ng bagong kasal ang dikta at nilalaman ng kanilang mga puso — ang ituloy na ang kasal sa napag-usapan nilang date at venue.
“Masaya. Actually parehas kami ng sagot. We’re very happy na itinuloy namin ‘yung pagpapakasal kahit na pandemic.
“We are celebrating but it doesn’t mean we’re being insensitive du’n sa mga may pinagdaanan. Kasi kami, actually may pinagdadaanan din kami. But we always just try to find something that we can be grateful for everyday,” pahayag ni KZ sa Kapamilya Confessions.
Aniya pa, “And ngayon po, kahit ‘di namin kasama both families namin, nakita namin sila January pa, masaya pa rin kami na now na kasal na kami, pamilya na namin ang isa’t isa. So, kahit ‘di namin kasama ‘yung parents namin or siblings or nieces, meron na kaming kaagapay sa pandemic.”
Kuwento pa ng Kapamilya singer, “This year would have been one of our busiest years. Simula nu’ng nag-start kami sa industriya na ‘to, we were supposed to go out-of-the-country to study tapos ‘yun po, hindi natuloy.
“Siyempre dapat may tour kami. So parang itong buong taon po na ito, medyo nakaplano na. So after namin na-engage nu’ng December, parang January palang, pinaplano na namin ‘yung buong kasal,” aniya pa.
Dito rin sinabi ni KZ na nagbago talaga ang ini-imagine nilang wedding, “Ibang-iba talaga. Sobrang layo du’n sa original plan. But ‘yun na nga, parang nagkaroon naman ng solusyon.”
Pahayag naman ni TJ sa nasabing panayam, “Actually August 28, 2020. ‘Yun talaga ‘yung plano namin. Then nu’ng nagka-lockdown tayo, nag-quarantine tayo, medyo nag-decide kami for a while na parang teka lang, malabo.
“Kasi every 15th nagbabago tayo ng guidelines. So ‘di namin sure kung ma-pupull off namin. Pero gaya nga sa isang tanong, why did you push through with the wedding despite the pandemic.
“Ang ganda nu’ng sagot ni KZ na it’s because of the pandemic itself. Kasi with this pandemic, na-realize namin na last year nga, ‘di natin na nobody saw this coming.
“Walang nakapag-imagine na nandito tayo ngayon sa mga bahay natin, online ‘yung interviews. ‘Di natin alam what the future brings and tomorrow is
never promised. ’Yung pandemic nga ‘di natin inexpect, so tuloy natin ‘yung kasal. Let’s live in the now,” dagdag pa ni TJ.
Singit naman ni KZ, “Kung kaya natin gawin na ngayon, gawin na natin ngayon. Kasi kung aantayin pa na matapos ‘yung pandemic, ang sinasabi in
two years or three years, four years babalik na sa normal. But wala talagang certain, eh.
“Paano kapag in 10 years pa matatapos? Pero hindi din talaga natin alam. So kumbaga kaya naman na natin and our parents gave us the blessing naman din to get wed kahit wala sila physically, ‘yun ginawa na rin namin,” pahayag
pa ng singer.
Tungkol naman sa naging reaksyon ng kanilang mga kaibigan sa naganap na intimate wedding sa The Farm At San Benito sa Batangas, nagulat daw talaga ang mga ito.
“‘Ay ikinasal na pala kami’. ‘Ha?’ Ano ba ‘yan ganyan-ganyan. Although gulat na gulat sila, ang positive pa rin ng mga response nila na sobrang saya daw nila na itinuloy pa rin namin ‘yung kasal.
“Walang sumama ang loob. ‘Yun ‘yung mga totoong friends and ‘yun talaga ‘yung mga tao who really care for you, ‘yung mga nakakaintindi,” aniya pa.