DAHIL na rin sa sandamakmak na request ng mga Kapuso viewers, muling pinagtambal ng GMA ang real life sweethearts na sina Kapuso Drama King Dennis Trillo at Ultimate Star Jennylyn Mercado.
Ngayong darating na Lunes, mapapanood na ang reunion project ng DenJen sa GMA Telebabad, ang “Truly. Madly. Deadly” ng pinag-uusapan at patok na patok sa mga manonood na Kapuso drama anthology na “I Can See You.”
Makakasama rin dito nina Dennis at Jennylyn ang Kapuso Sweetheart na si Rhian Ramos.
Siniguro ni Dennis sa lahat ng Kapuso na kakaibang DenJen na naman ang mapapanood sa “Truly. Madly. Deadly.”
“Very happy and very looking forward kami du’n sa mga eksenang ginawa namin kasi kahit kami nagugulat, dahil hindi ‘yun ‘yung mga nakasanayan namin na eksena na pa-sweet-sweet lang.
“May makikita kayong iba rito sa kwento na ‘to,” sabi ng aktor sa panayam ng GMA na umaming na-miss niya nang bonggang-bongga ang pag-arte sa harap ng mga camera.
Masaya rin daw sa pakiramdam na muling makita ang production staff ng GMA makalipas ang ilang buwang tigil-trabaho dulot ng COVID-19 pandemic.
At nagpapasalamat siya na kahit nay banta pa rin ng pandemya sa bansa ay nagkasama-sama sila uli para makabuo ng isang serye para sa kanilang mga tagasuporta ni Jennylyn at ni Rhian.
Masaya ring ibinalita ni Dennis na ido-donate niya ang bahagi ng kanyang talent fee sa “Truly. Madly. Deadl.” sa lahat ng production staff at crew na nagtrabaho para rito.
“Sila talaga ‘yung babad sa trabaho. Sila ‘yung pinakamaagang gumigising at bukod du’n, sila pa rin ‘yung pinaka-late na natutulog.
“Kumbaga para sa akin, bilang artista, sila ‘yung talagang mabigat ang trabaho sa set, e. So, para maibalik lang ba ‘yung gratitude tsaka appreciation sa lahat ng mga trabaho at ginagawa nila,” lahad ng aktor.
Samantala, isa naman sa magandang idinulot ng halos walong buwang community quarantine sa DenJen ay ang pagkakaroon ng mahabang panahon para maalagaan ang kanilang mga anak na sina Jas at Calix.
“Siguro ito talaga ‘yung panahon na nangyayari talaga ‘yun. Siyempre magkakasama kayo palagi, ‘yung bond n’yo sa isa’t isa tumitibay. Mas marami kayong chance na mag-spend ng oras sa isa’t isa.
“Kaya kahit papano, kahit malungkot itong mga panahon na ‘to, mina-maximize pa rin namin siya at lagi namin mina-maximize ‘yung brighter side of things, brighter side of life,” chika pa ng hunk actor.
Sa lahat ng mga naka-miss kina Dennis, Jennylyn at Rhian abangan ang “Truly. Madly. Deadly” simula sa Monday, Oct. 19, after “Encantadia.”
Tungkol ito sa kuwento ni Coleen, ang manager ng Paradise Resort na matatagpuan sa isang malayong lugar.
Napunta siya roon matapos masangkot sa isang video scandal na nag-viral sa social media. Dito, makikilala niya si Drew, ang gwapo pero mahiyaing IT guy sa pinagtatrabahuan niyang resort.
Magkakaroon ng matinding conflict sa pagitan nina Drew at Coleen kapag umeksena na ang high school best friend-turned-enemy ni Coleen na si Abby.
Kasama rin sa Kapuso mini-series sina Jhoanna Marie Tan at Ruby Rodriguez, sa direksyon ni Jorron Lee Monroy.