Inabot lang ng 60 oras ang pansamantalang kalayaan ng South Korean national na tumakas mula sa kulungan ng PNP CIDG sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Natunton at naaresto ng mga operatiba ng CIDG si Yeong Jun Lim tanghali ng Martes sa Salamanca St., sa Makati.
Magugunitang nakatakas si Yeong kasama ang kababayan na si Hyeok Soo Kwon noong Sabado nang bugbugin nila ang bantay at tinangay pa ang service firearm nito, bago tumalon mula sa bintana.
Kinabukasan ay naaresto si Hyeok sa Barangay Fort Bonifacio.
Nadagdagan pa ang mga kinahaharap na kasong kriminal ng dalawa dahil sa kanilang pagtakas.
Unang inaresto ang dalawa noong June 22 sa Parañaque City dahil sa phone fraud at nadiskubre na wanted din sila sa South Korea dahil sa katulad na kaso.