K Brosas umalis sa Showtime para sa noontime show ng TV5: May kirot sa puso

ANG pagkakaroon ng daily show ang matagal nang pangarap ng singer-comedienne na si K Brosas.

Kaya nu’ng i-offer ang “Lunch Out Loud” sa kanya ng Brightlight producer na si ex-Congressman Albee Benitez ay agad niya itong tinanggap.

Binanggit namin na isa siya sa hurado ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” at hindi naman siya inalis sa programa for sure.

“Hindi naman kasi ako everyday as hurado, di ba? Marami kaming hurado mga 15 yata kami, ako (tinatawagan), twice a week, minsan once a week.

“Dumating itong blessing kaya talagang tinanggap ko kasi ang pangarap talaga ng lahat ng performers ay noontime show na maging main host talaga,” paliwanag ni K sa ginanap na virtual mediacon ng bagong noontime show ng TV5 na “Lunch Out Loud” na magsisimula na sa Lunes, Okt. 26.

Sa tanong kung nahirapan ba siya sa paglipat from “Showtime” to “Lunch Out Loud”, “Merong kirot sa puso kasi isa ako sa pinakamaingay noong nawala ang prangkisa (ABS-CBN), so ang akin kasi ipinaglaban ko ‘yun hindi porket ABS-CBN artist ako that time kahit GMA pa ako. Ako lang, doon lang tayo sa tama kaya ipinaglalaban ko ‘yun.

“At saka marami po ang hindi nakakaalam, bilog po ang mundo, nag-start po ako sa Eat Bulaga (2001-2003) doon po nagsimula ang career ko, tapos nag-GMA ako, then TV5 binigyan ako ng Talentadong Pinoy tapos may QTV pa ako ang kulang na lang ay Animal Planet.

“Pero ito ‘yung first time kasi ‘yung pangarap ko ay everyday, sabi ko sinong puwedeng tumanggi, di ba? Biyaya ito at wala naman talaga tayong regular na trabaho at of course hindi po ako exclusive sa ABS, per project po ako at malaking-malaki ang utang na loob ko sa ABS-CBN, it’s a fact! Doon po ako talaga mas nakilala at I’ll be forever be grateful,” paliwanag ni K.

May ilang taong hindi maintindihan kung bakit siya lumipat ng TV5, “It’s okay. Free TV naman ‘to, the more the money-er,” tumawang sagot ng mang-aawit.

May isa pa raw na nilulutong show si K, ang gusto niya raw ay isang cooking show, “Ha-hahaha! Cooking ni K,” tumawang sabi nito.

Kinlaro rin niya na hindi totoong pinigilan siya ng Kapamilya network na lumipat sa Kapatid network.

“Parang wala naman pong ganu’n kasi ang Cornerstone po ang nagpaalam para sa akin sa management.

“Si Erickson (Raymundo-manager niya) po ang nagsabi sa kanila na may offer ako sa TV5 at sabi naman ng mga taga-Showtime ay masaya sila for me.
“At saka para sa akin walang kumpetisyon kasi magkakaibigan kami lalo na si Vice (Ganda) kasi magkakasama kami sa church may group chat kami kaya alam ko okay,” paliwanag pa ng komedyana.

Bukod kay K ay makakasama rin niya sa “LOL” sina Billy Crawford, Bayani Agabayani, KC Montero, Macoy Dubs, Jeff Tam, Wacky Kiray at Ariel Rivera at ididirek ni Johnny Manahan.

Read more...