TAKOT na takot ang Kapuso TV host-actress na si Carmina Villaroel nang sumailalim siya sa swab test recently.
Ayon kay Mina, ito ang unang pagkakataon na na-experience niya ang swab test kaya naman talagang inatake siyang nang matinding nerbiyos.
Sa kanyang latest vlog sa YouTube, ipinakita ni Carmina ang ginawang swab test sa kanya pati na rin sa asawang si Zoren Legaspi at sa kambal nilang sina Mavy at Cassy.
“Swab day test for the Legaspi family because meron kaming work. Thank you Lord. We have a new endorsement.
“Kailangan namin mag-photoshoot on Thursday so definitely kailangan namin sumunod sa mga protocols, at isa na nga dito ay ang swab test,” pahayag ni Carmina sa kanyang video.
Inamin pa ng Kapuso actress at “Sarap Di Ba?” host na hindi talaga siya nakatulog dahil sa kaiisip sa gagawing swab test sa kanya. As in napuyat siya nang bonggang-bongga sa matinding pag-aalala!
“Guys, hindi po ako nakatulog kagabi kaya masakit ang ulo ko dahil kung talagang kakilala ninyo ako, isa po akong matatakutin at nerbyosa. Super!” chika ni Mina.
Ayon kay Carmina, nauna sa swab test sina Mavy at Cassy na medyo sanay na dahil na-test na rin sila noon para sa isang project.
Sinundan naman sila ni Zoren at sabi nga ni Carmina mas tumindi pa ang kaba at takot niya nang makita ang reaksyon ng asawa pagkatapos nitong ma-test.
“Nahihimatay na ako at nasusuka na ako sa nerbiyos!” ani Carmina na kitang-kita talaga sa reaksyon niya ang grabeng nerbiyos.
Pinakakalma naman siya ni Zoren at ng kambal dahil parang ayaw na nga niyang magpa-swab test, “Parang hindi ko talaga kaya. Pwede bang huwag na ako? Natatakot talaga, ko.”
Matagal-tagal din bago nakakuha ng lakas ng loob si Mina na payagan nang ipasok sa ilong niya ang ginagamit sa swab testing pero bago nga ito, talagang mangiyak-ngiyak na ang aktres.