Posibleng bawiin ng susunod na Kongreso ang mga insentibong nakapaloob sa prangkisa ng San Miguel airport sa Bulacan kung hindi maayos na mailalatag ang mga probisyon ng panakulang batas na ito, ayon sa ilang senador.
Sa botong 22-0-0 ay lusot na sa third and final reading ang franchise bill na magpapahintulot sa San Miguel Aerocity na magtayo ng paliparan sa bayan ng Bulakan.
Pero matapos ang botohan ay nagpahayag ng pangamba si Senate Minority Leader Franklin Drilon na kung hindi mailalatag nang maayos ang batas ay may posibilidad na baguhin ito ng susunod na Kongreso at alisin ang mga insentibo na ipinagkaloob sa korporasyon.
“Can the next Congress rescind and removed all these incentives?” tanong ni Drilon.
Sa puntong ito ay ipinaalala ni Senador Panfilo Lacson ang kanyang concern kung mauunang aprubahan ang panukala kaugnay sa pinag-uusapan ding CREATE bill.
“That was exactly the point I’ve raised when we are discussing that it will be in conflict with our tax measure under the CREATE bill. We should be very clear on this issue,” pahayag ni Lacson.
Aminado si Senador Francis Tolentino na magkakaroon ng kontrobersiya kung mababaligtad ng general law ang inaprubahan nilang panukala.
Bilang solusyon, iginiit ni Drilon na dapat ituring ang franchise bilang kontrata sa pagitan ng San Miguel at estado na hindi maaaring baguhin ang mga probisyon. Samantala, iginiit naman ni Tolentino na dapat manaig ang batas sa property right kung saan hindi maaaring alisin ang mga ibinibigay na insentibo nang hindi dumaraan sa proseso.
Sa pagtaya ng maraming eksperto sa pagbubuwis ay umaabot sa P118-bilyon ang maibibigay na libreng bayarin sa buwis ng kompanya ni Ramon S. Ang sa loob ng 50-year contract na siyang buhay ng nasabing prangkisa.
Ang nasabing tax perks ay kinondena ng ilang advocacy group dahil sobra-sobra’t nakalulula umano at labag pa sa panuntunan ng gobyerno at sa patas na pagnenegosyo.
“Hindi dapat ang gobyerno ang babalikat sa mga bayarin sa buwis ng isang pribadong proyekto na pribadong kompanya ang nagkusang maitayo bilang kanyang negosyo,” pahayag ng Action for Economic Reform.
Ngunit iginiit ni Sen. Grace po sa kanyang pagdepensa sa proyekto ng SMC Aerocity na aabot umano sa P1.5 trillion ang ibubuhos na investment sa proyektong nabanggit kung saan ay sinasabing P734 billion ang ilalaan para sa airport facility mismo.
Sa kanyang panig ay sinabi naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na ang pagtatayo ng bagong airport ay 17 taon na nilang plinano ng mga dating kasamahan sa Senado, gayundin ni Ang at ang mga yumaong sina Danding Cojuangco at Fernando Poe Jr. na ama ni Senator Poe.
“It is with great pleasure that we thank our colleagues for the passage of measure that was born 17 years ago,” sabi ni Sotto.