NADAGDAGAN na naman ang mga local celebrities na pumapasok sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para makapagbigay-serbisyo sa sambayanang Filipino.
Kinumpirma ng magaling na kontrabida na si Baron Geisler na tinanggap na niya ang hamon para mag-training sa AFP bilang reservist.
Sa kanyang Instagram account, ibinalita ni Baron na nag-sign up na siya para sa military training under the Philippine Navy.
Ibinahagi ng aktor ang ilang litrato niya na kuha sa kampo ng 511th Naval Squadron Reserve sa Tinago, Cebu, Baron kasama ang ilang Navy officer.
“My day was such a blessing. Thank you, Abba Father for leading and guiding me to the right path.
“My life is purposed to serve YOU and the people I meet on this journey. Thank you for protecting me and my family. I love You!” ang caption ni Baron sa kanyang IG post.
Si Baron ang latest addition sa listahan ng mga artistang kumasa sa hamon na sumailalim sa military reserve force training upang mapaglingkuran ang bayan.
Wala namang binanggit ang aktor kung kailan ang simula ng kanyang training ngunit siguradong isang malaking sakripisyo ito para sa kanya dahil pansamantala niyang hindi makakapiling ang asawang si Jamie Evangelista at anak na si Talitha Cumi.
Handa na rin daw magpagupit ang aktor sakaling mag-start na ang kanilang training. Meaning, talagang seryoso na siya sa pagiging sundalo.
Ilan sa mga celebrities na proud member na ngayon ng AFP ay sina Matteo Guidicelli, Gerald Anderson, Dingdong Dantes, Rocco Nacino, Ronnie Liang at Ejay Falcon.
Sa mga female stars naman, nandiyan sina Arci Muñoz at Winwyn Marquez na kasalukuyang sumasailim sa military training.