Kristoffer Martin umamin: Ang dami kong iyak kay Alden…

NAKUMPLETO na ng mga magulang at kapatid ng Kapuso singer-actor na si Kristoffer Martin ang 14-day quarantine matapos mag-positibo sa COVID-19.

Ibig sabihin, matatawag na ring COVID survivor ang kanyang pamilya makalipas sumailalim sa dalawang linggong self-isolation sa bahay nila sa Olongapo.

Aminado si Kristoffer na napakatindi ng takot na naramdaman ni Kristoffer nang ipaalam sa kanya na sunud-sunod na nagka-COVID ang nanat, tatay at kapatid niyang lalaki.

Imagine nga naman, nasa Maynila siya at nasa probinsya naman ang kanyang pamilya. Kaya nagdesisyon siyang umuwi muna at nanatili sa bahay ng isang kaibigan sa Olongapo.

Kuwento ng binata, unang nag-positive sa COVID ang kanyang ina at makalipas ang ilang araw, nilagnat at nawalan na rin ng panlasa ang tatay at kapatid niya.

“Noon sobrang lala ng breakdown. As in, sabi ko, ‘Ang layo ko, silang tatlo nagkasakit.’ Yung wala kang magawa, hindi ka naman makauwi, e,” simulang pahayag ni Kristoffer sa panayam ng GMA.

Ngunit ayon sa aktor, nilakasan talaga niya ang loob para makauwi sa Olongapo at magsilbing runner ng pamilya. Siya ang nagsilbing tagabili ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.

Mas naging emosyonal pa si Kristoffer nang mapag-usapan ang sobrang pagka-miss niya sa mga ito.

“Tapos makikita mo si mama nasa labas, sa kuwarto ko kasi may bintana, matatanaw mo sa labas, nakaupo lang siya tapos nagfa-flying kiss lang siya, sisigaw siya ng ‘I Love You anak.’ Yun ‘yung mga parang nakakaiyak. Ako kasi, nami-miss ko ‘yung mama ko.”

Matindi rin ang pag-aalala niya sa kanyang ama dahil meron din iton diabetes, “‘Sabi niya ‘Parang nahihirapan akong huminga. ‘Tapos sabi ko kay dad, ‘Paospital na tayo.’ Sabi ni daddy, ‘Hindi, kaya ito anak. Wala pa naman.'”

Muli, pinasalamatan niya ang mga kaibigang sina Alden Richards at Bea Binene, pati na ang kanyang girlfriend, sa pagsuporta sa kanya.

“Ang dami kong iyak kay Alden. Sabi niya, ‘Tun, nandito kami. Magiging okay ‘yan.’ Si Bea first thing in the morning, ‘yung boses niya parang kagigising lang, mangangamusta,” kuwento pa ni Kristoffer.

Samantala, plano ng binata na ipa-disinfect muna ang kanilang buong bahay bago tuluyang makipag-reunion sa pamilya.

“Pag-uwi ko, yayakapin ko si mama, kasi sobrang miss na ako ni mama. ‘Yan ‘yung palagi niyang sinasabi, ‘Anak nami-miss na kita,'” sabi pa ni Kristoffer sa nasabing panayam.

Read more...