ANG mga loyal fans niya at ang KathNiel supporters ang isa sa rason kung bakit pumayag si Daniel Padilla na muling mag-concert sa gitna ng pandemya.
Ngayong araw, Oct. 11 na ang first virtual concert ni DJ na “Apollo: A Daniel Padilla Digital Experience” kaya siguradong abangers na ang mga naka-miss sa pagpe-perform niya on stage.
Napakamura lang ng ticket sa virtual concert ng boyfriend ni Kathryn Bernardo kaya totoong-totoo ang sinabi ni DJ na wala siyang kikitain sa proyektong ito.
“Napag-usapan namin na ganu’n ang gawin dahil siyempre ayaw naman nating maging mga manhid sa mga nangyayari ngayon di ba? Gusto nga natin magbigay ng saya.
“Eh, kung puwede lang gawin kong libre kaso siyempre hindi naman puwede dahil meron tayong mga binabayaran.
“Yung mga kanta kailangan natin bayaran, siyempre yung production kailangan natin bayaran.
“So, yung binigay nating presyo, yan na yung pinaka minimum kumbaga para lang mabayaran ang lahat ng kailangan bayaran sa production pero wala ng sobra diyan. Ako wala akong kikitain dito. gusto ko lang ito gawin para sa mga tao,” paliwanag ng binata.
Umaasa naman ang Kapamilya singer-actor na magiging smooth ang takbo ng show under the new normal.
“Siyempre it’s very different dahil unang una wala yung mga fans natin na talagang tumatangkilik tuwing may concerts tayo. Pero siyempre gusto pa rin nating ibigay yung feeling na yun virtually or spiritually sa mga supporters natin.
“It’s just different kasi ako naman kasi hindi ako singer actually. Sa kanila ako kumukuha ng energy. Kakaiba ngayon kasi wala na tayo masyadong tao, kahit yung mga staff natin dito ng concert ay bilang.
“Hindi puwedeng masyadong marami. Iba rin siya pero it’s more intimate. Nakikita mo rin kung ano yung puwede mong gawin,” paliwanag ng binata.
Paliwanag pa niya, “It’s different pero meron din siyang positive side. Malungkot lang kasi wala kayo doon para sumuporta ng lives sa akin. Pero ipaparamdam ko pa rin sayo na magkasama pa rin tayo. Yun naman ang goal natin dito sa concert na ito.”
Abangan din natin kung napagbigyan ang hiling ni Daniel na makapag-imbita sila ng ilang KathNiel fans para makasama nila sa studio sa mismong araw ng concert.
“Sinabi ko hindi ba puwedeng mag-imbita tayo dito ng kahit ilang fans na habang kumakanta ako nandiyan lang din sila. Dahil iba eh, nung nag-re-rehearse ako na walang ibang tao naisip ko, ‘Kaya ko ba ito na walang ibang tao?’ Parang kahit iilan lang sila.
“Itong masusuwerteng supporters ang papanoorin ko dito para may interaction din. Dahil iba yung may kinakantahan ka din. Para sa kanila yun.
“So ginagawan na namin ng paraan at inaayos na namin. Ang pilit naming hinihingi si 15 to 20 fans. Inaayos pa namin kasi siyempre may mga procedures tayo di ba. Pero pinipilit ko yun na sana magawa para iba rin yung nandito sila nanonood,” aniya pa.