Sean De Guzman bilang ‘Anak ng Macho Dancer’: Mahusay gumiling at may ipapakita

Mula sa Instagram ni Sean De Guzman

Akala namin ay tunay na anak ni Allan Paule si Sean De Guzman, ang napiling gaganap sa pelikulang “Anak ng Macho Dancer”, dahil kamukha niya. Hindi pala.

Si Allan ang gumanap sa pelikulang “Macho Dancer” na ipinalabas noong 1989, sa direksyon ni Lino Brocka.

Kuwento ng producer ng “Anak ng Macho Dancer” na si Joed ng The Godfather Productions ay nasa 20 ang nag-audition para sa lead role, pero si Sean ang napili nina Direk Joel Lamangan, Henry Quitain (script/screenplay), business consultant na si Grace ibuna, ang supervising producer na si Jobert Sucaldito at line producer na si Dennis Evangelista.

“Bukod sa kamukha ni Allan, ang pagiging inosente niya ang nakita namin sa kanya,” say ni Joed.

Nagpa-sample si Sean sa paggiling at talagang nagulat din kami sa husay nito kasi miyembro pala siya ng Click 5. Naiyak nga raw siya nu’ng ikuwento niya sa kanyang manager na siya ang napili.

“Naiiyak nga ‘yan kasi noong pinapupunta ko para sa audition ayaw niya. Tapos noong nakapunta na siya tumawag sa akin, umiiyak din. Kaya pala umiiyak kasi nga siya ang nakakuha ng lead role,” ayon sa manager ni Sean na si Len Carillo.

Nabanggit din na isa pang bentahe ni Sean ay marunong siyang umarte at nakita na ito ni direk Joel sa pelikulang “Lockdown.”

“Nakikita ko kay Sean na maaari siyang maging malaking artista,” say ni direk Joel.

Dagdag pa, ”Wala kasi siyang takot kahit ano ang ipagawa mo sa kanya. Nakita ko iyon doon sa ‘Lockdown’. Confident siya sa ginagawa niya, walang arte-arte.

”Kahit marami sila, umangat talaga ang galing niya sa pag-arte. Magaling pa siyang sumayaw at mayroon siyang ipakikita.”

Allan Paule (kaliwa) at Sean De Guzman

Kuwento naman ni Joed, “Four years ago pa ako nagpa-audition para sana rito nga sa Anak ng Macho Dancer. Pero wala kaming napili noon. Nag-audition pa nga ‘yung anak ni Eric Fructuoso.”

Ano naman ang pakiramdam ngayon ni Sean na siya ang napili bilang “Anak ng Macho Dancer.”

“Parang nasa alapaap ako sa saya. Ninenerbisyos po talaga ako. Parang hindi ako makapaniwalang ito na, ang hinihintay kong break. Hindi ako nakatutulog ng maayos lately dala ng sobrang excitement,” wika niya.

“I promise to do my very best na magam­panan ang napaka­halagang role as ‘Anak ng Macho Dancer.’ Pinag­handaan na ng loob ko ang sexy scenes na ipa­gagawa sa akin ni Direk Joel.”

“Maraming salamat po sir Joed Serrano sa tiwala,” masayang kuwento pa ng binata.

Makakasama rin ni Sean ang mga orihinal na kasama sa “Macho Dancer” na sina Allan, William Lorenzo, Jaclyn Jose at Daniel Fernado. May espesyal na papel si Rosanna Roces.

Read more...