Pinoy-Swiss napiling kasapi ng Papal Swiss Guard

Ang Swiss Guard na si Vincent Lüthi habang nakabantay kay Pope Francis sa isang seremonya sa Vatican. (Vatican Media)

Sa kauna-unahang pagkakataon, isang Filipino-Swiss ang nahirang na bagong kasapi ng Papal Swiss Guard.

Si Vincent Lüthi ay kabilang sa 38 na bagong  mga sundalo na Swiss na nanumpa ng katapatan kay Pope Francis sa Vatican noong Oktubre 4, ayon sa ulat ng CBCP News.

Lumaki sa Cugy, Switzerland ang 22-anyos na si Lüthi. Nag-iisa siyang anak ng kanyang ama na isang Swiss at ina na Pilipina at tubong Santa Fe sa Bantayan Island sa lalawigan ng Cebu.

Ayon sa tradisyon, tanging mamamayan lamang ng Switzerland ang maaaring maging kasapi ng Papal Swiss Guard o Swiss Guard, ang elite na grupo ng mga sundalong nagpoprotekta sa Santo Papa at sa Vatican City.

Nakaharap muna ni Pope Francis ang mga bagong kasapi ng pontifical guards at kanilang mga magulang bago ang seremonya kung saan ay pinasalamatan sila sa pagpiling ialay ang “bahagi ng kanilang kabataan sa paglilingkod sa Kahalili ni San Pedro.”.

“May you live it in a spirit of fraternity, helping one another to lead a meaningful and joyfully Christian life,” wika ni Pope Francis.

Itinayo noong 1506 sa panahon ni Pope Julius II, ang Swiss Guard ay ang pinakamaliit na grupo ng militar sa buong mundo. Tunkulin nitong protektahan ang Vatican, Apostolic Palace at ang Santo Papa.

Maliban sa pagiging Swiss, ang kasapi ng pontifical guards ay dapat na isang Katoliko at isang mahusay a sundalo. Kilala sila sa kanilang makulay na unipormeng bughaw, pula at dilaw.

Si Lt. Vincent Lüthi habang nanunumpa ng katapatan bilang bagong myembro ng Swiss Guard sa Vatican noong Oktubre 4. (Vatican Media)

Read more...