Babaeng Indonesian na hinihinalang suicide bomber, 2 iba pa arestado sa Sulu

Arestado ang isang babaeng Indonesian na hinihinalang suicide bomber sa magkasanib pwersang operasyon ng Joint Task Force Sulu sa bayan ng Jolo.

Nasa loob ng isang bahay na pinaniniwalaaang pagmamay-ari ng isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group si Rezky Fantasya Rullie, aka Cici, nang siya ay mahuli, ayon sa ulat ng task force.

Dalawang pang babae ang kasamang naaresto sa isinagawang operasyon na alinsunod sa bisa ng isang  search warrant na ipinalabas ng  Regional Trial Court sa Jolo, Sulu.

Kinilala ang dalawang babae na sina Inda Nurhaina, asawa ng ASG sub-leader na si Ben Tatoo, at Fatima Sandra Jimlani, asawa ni Jahid Jam, isang kasapi ASG.

Sinabi ni Brigadier General William Gonzales, commander ng JTF Sulu, na aktibong pinaghahanap ng militar ang mga dayuhang suicide bombers na nasa Sulu matapos ang kambal na pagpapasabog sa Jolo noong Agosto 24.

“Rullie was first on our list since we have received intelligence reports that she is going to conduct suicide bombing after the death of his husband, Andi Baso, an Indonesian foreign terrorist who was reportedly neutralized during an encounter last August 29,” ayon kay Gonzales.

Si Rullie pinaniniwalaan din na anak ng mag-asawang Indonesian na nagsagawa ng pagpapasabo sa Jolo Cathedral noong Enero 27, 2019, wika pa ni Gonzales.

Nakumpiska rin sa bahay na kinahulihan kay Rullie ang isang vest na may nakakabit na pipe bombs at iba pang sangkap sa paggagawa ng improvised explosive device.

Kasalukuyang nakakulong ang tatlo sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Sulu Police Provincial Office.

Read more...