Nanay ni Pokwang, pumanaw na: ‘Salamat sa pagmamahal at kalinga’

Pumanaw na ang ina ng komendyanteng si Pokwang ngayong madaling araw ng Sabado.

“Salamat nanay kong mahal hanggang sa muling pagkikita,” anang post ni Pokwang, Marietta Subong sa tooong buhay, sa Instagram na may hashtag na #RIPnanayGloria.

“The best nanay sa buong mundo woohoo… I love you soooo much,” wika pa ni Pokwang sa kanyang post na larawan nila ni Nanay Gloria.

Pinasamalatan ni Pokwang ang kanyang ina, na ayon sa TV host, “Kung di dahil sa kanya wala ako sa Earth para mapasaya kayo.”

Inalala pa ni Pokwang ang mga sakripisyong pinagdaanan niya ngayong pandemya para itaguyod ang pinakamamahal niyang ina.

“Sa tuwing lumalabas ako para magtrabaho puno ako ng takot dahil sa pandemiang ito, pero kailangan ko kasi gusto ko pa madugtungan ang buhay mo mama ko,” wika niya sa Twitter.

“Salamat sa pagmamahal mo at kalinga saming mga anak mo at apo,” dagdag ni Pokwang.

Sa kanyang Facebook account, isang nakasinding kandila ang display photo ng komedyante.

Hindi binanggit ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina.

May Alzheimer’s disease si Nanay Gloria.

Sa kanyang Instagram post noong October 2018, inalala ni Pokwang ang mga panahong kilala pa siya ng kanyang nanay.

“#TBT 2012 panahon na alam mo pa pangalan ko at nayayakap mo pa ako ng ganito 😊❤️  panahon na nabibigyan mo pa ako ng payo kapag nasasaktan ako at may pinagdaraanan sa buhay, i love you nanay Gloria ko ❤️”

Ang Alzheimer’s ay isang progressive o papalala na klase ng sakit na nagsisimula sa bahagyang pagiging malilimutin hanggang sa tuluyang pagkawala ng alaala, kakayahang magsalita at gawin ang iba pang mga bagay na dating karaniwang ginagawa.

Read more...