Utang na loob ko sa ABS-CBN na may bahay kami at napapakain ang pamilya ko ngayon

HABANG nagba-browse kami sa aming Facebook page ay nakita namin ang 2-minute video ni Kim Chiu na kumakanta ng Chinese song, ang “Peng Yu”.

Ito’y kuha noong nasa loob pa siya ng Pinoy Big Brother house (Teen Edition) bilang isa sa mga housemates.

Nakakatuwa si Kim habang pinapanood namin, noon pa lang ay nakikita na ang taglay niyang kabutihan sa lahat ng kasama sa loob ng Bahay ni Kuya.
Kaya naman gustung-gusto siya ng lahat, magalang at bungisngis pa bagay na dala-dala niya hanggang ngayong sikat na siya at isa na sa moneymaker ng Kapamilya network.

Kaya naman ngayong sarado ang ABS-CBN dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ay hindi ito naging dahilan para lisanin o tumanggap ng offer si Kim sa ibang TV network o umalis nang tuluyan sa Star Magic.

Natanong kasi sila ng leading man niya sa horror film na “U-Turn” na si Tony Labrusca kung may plano silang iwan ang ABS-CBN sa nakaraan nilang virtual presscon.

Ayon kay Kim, tumatanaw siya ng utang na loob sa network na bumago sa takbo ng buhay niya.

“Siguro, utang na loob ko na may bahay akong maayos, napapakain yung pamilya ko, all because of ABS-CBN,” pahayag ng dalaga.

At dahil sa pagiging loyal ni Kim ay hindi rin naman siya pinababayaan ng Kapamilya network dahil bukod sa pino-promote niyang pelikulang “U-Turn” mula sa Star Cinema ay may dalawang regular TV show pa siya, ang “Its Showtime” bilang isa sa host at ang “ASAP” na pareho nang mapapanood na sa free TV  A2Z Channel 11 ng Zoe TV.

Sabi nga ni Kim sa muling pag-ere ng mga show ng ABS-CBN sa free TV, “It just goes to show na hindi susuko ang mga Kapamilya to give entertainment, to give mga palabas, mapadrama man o variety o movies.”

Napag-alaman din namin na may binubuong TV series ulit para kay Kim kasama pa rin ang kanyang real and reel partner na si Xian Lim.

Samantala, nagbigay din update si Kim sa health condition ng lola ni Xian.

“Lagi naman kami nag-uusap ni Xian. Alam naman niya na nandidito ako lagi and thankful din kami na ngayon okay na ulit yung lola niya.

“Parang walang nangyari, parang normal na ulit and salamat sa Panginoon na hindi naman pala ganun ka-grabe yung nangyari sa lola niya and okay na ulit siya.

“Mahal na mahal lang talaga ni Xi yung mommy niya, lola niya, kasi du’n talaga siya lumaki,” ayon pa sa dalaga.

Anyway, mapapanood na ang “U-Turn” sa Okt. 30 sa KTX.ph, iWant TFC app at website or pay-per-view via Cignal and Sky Cable sa halagang P150.

Read more...