Kim sa mga pagsubok ngayong 2020: Dyusko, tigilan n’yo na ako!

FEELING blessed and thankful pa rin ngayon si Kim Chiu sa kabila ng sunud-sunod na pagsubok na kanyang hinarap nitong mga nagdaang buwan.

Kahit na nga nagkaroon ng lockdown at napatigil ang operasyon ng ABS-CBN ay hindi siya nawalan ng pag-asa sa buhay.

Kung may isang Kapamilya star na super busy ngayon sa trabaho sa gitna ng pandemya yan ay walang iba kundi si Kim kaya naman talagang tinatanaw niya itong napakalaking utang na loob sa Kapamilya network.

Pagkatapos na pagkatapos ng serye niyang “Love Thy Woman” pinasok agad siya bilang regular host sa Showtime, bukod pa yan sa ASAP. May bago rin siyang horror movie sa Star Cinema, ang “U-Turn” kasama sina JM de Guzman at Tony Labrusca.

At yan ang rason kung bakit hindi niya naisip na lumipat ng ibang istasyon kahit pa ipinasara na ng Kongreso ang kanyang home network.

“Di ba, nasa bahay lang tayo simula noong March hanggang May ba yun?

“Ang haba ng inilagi ko sa bahay, and doon ko na-realize na itong bahay na ito, hindi ko naman ito mabubuo kung nasa Cebu lang ako, kung di ako sumali sa Pinoy Big Brother, kung di ako nagka-show sa teleseryes ng ABS-CBN. Hindi naman ako makikilala ng tao,” pahayag ng dalaga sa virtual presscon para sa “U-Turn.”

Dahil daw sa Kapamilya network kaya may magandang buhay ang kanyang pamilta, “Siguro, utang na loob ko na may bahay akong maayos, napapakain yung pamilya ko, all because of ABS-CBN.”

Kaya naman itinuturing nilang answered prayers ang pagbabalik sa free TV ng ABS-CBN simula Oct. 10, via A2Z Channel 11.

Samantala, tinanong din si Kim kung paano niya ilalarawan ang naging buhay niya noong mga nakalipas na buwan at ang tinatamasa niyang mga blessings ngayon.

“Paano ba? Ha-hahaha! Goes to show that ang buhay ay bilog. Hindi laging nasa baba, hindi laging nasa taas.

“Thankful din ako na yung pagkabilog na yun ay within this year, kasi may ibang bilog, ang tagal, ang tagal bago umikot.

“So with faith, with trust, I think kaagapay ko yung mga nangyayari sa akin papunta sa taas ulit kasi parang masyado lang maraming nangyayari,” chika ng dalaga sabay hirit ng, “Dyusko, tigilan n’yo na ako! Ha-hahaha!”

“Alam ko naman na yung mga problema hindi naman binibigay sa atin kapag alam ng Diyos na hindi natin kaya. So sabi Niya, kaya ko naman daw, strong girl. Strong girl Kim Chiu 2020, let’s do it!

“Parang ano naman yun, e, kung marami mang masamang nangyayari, mas marami pa ring magagandang nangyayari,” lahad pa ng girlfriend ni Xian Lim.

Mapapanood na simula sa Oct. 30 ang latest horror movie ng Star Cinema na “U-Turn” sa KTX, iWant-TFC, Sky Cable pay-per-view at Cignal pay-per-view.

Read more...