HANGGANG ngayon pala ay hindi pa napapaayos ni Daniel Padilla ang kanyang sports car na nabangga ng tricycle driver last August.
Aniya, mahal daw kasi talaga kapag ipinaayos ang mga ganoong klase ng sasakyan kaya nakatengga lang daw ito sa bahay nila.
Inamin ng Kapamilya actor na nadismaya rin siya sa nangyari pero mas nanaig pa rin ang pagiging kalmado niya nang maganap ang aksidente sa isang lugar sa Fairview, Quezon City.
Sa nakaraang online media conference para sa virtual concert niya ngayong Linggo (Oct. 11) na “Apollo,” sinabi ni Daniel na nanghihinayang din siya dahil hindi na nga niya nagagamit ang nabanggang sasakyan.
“I-check niyo ‘yung kotse ko ngayon kung pinaayos ko na. Hindi ko pa rin naman pinapaayos dahil mahal, pero wala ka namang magagawa, e,” ani DJ.
Siyempre, ang talagang ipinagpapasalamat na lang ng boyfriend ni Kathryn Bernardo ay walang nasaktan sa pangyayari.
“Noong nabangga ako, siyempre, una, ‘Oh my God, man.’ Ang nasa isip ko lang noon, ‘Sana hindi nabasag ‘yung ilaw.’ Kasi ang hirap maghanap nung 1970 na ilaw ng kotse. Hindi naman.
“Siyempre nandoon na rin ‘yung, ‘Ano pa ang ibabayad sa ‘yo noon?’ Wala naman, e. Wala naman na silang maibibigay sa ‘yo, tapos makikipag-away pa ako doon, magmumukha pa akong tanga doon.
“Kapag nagwala pa ako, magmumukha akong gago sa mga tao. Hindi ako ganoon, e. Ayoko ng ganoon,” paliwanag ng binata.
Kung matatandaan, nag-viral pa ang social media post ng mga nakasaksi sa aksidente kung saan si Daniel pa ang nagbigay ng pera sa tricyle driver na nakabangga sa mamahaling kotse niya pero ayaw na itong pag-usapan ng aktor.
“Gusto ko lang na mag-sorry siya sa ginawa niya. Kasi maraming mga driver na kapag nagkamali, mag-ri-reason out pa, magrarason pa ng kung anu-ano.
“‘Yung sa akin lang, aminin mo na mali ka, humingi ka ng paumanhin sa akin, okay na ako,” ani DJ.
Nu’ng una raw kasi ay siya pa ang sinisi ng driver, “Pero eventually pinag-sorry na rin siya. Okay na ako sa ganoon. It happens, man. It’s inevitable. Pero dapat kalmado lang tayong lahat.”