Magiging commercial model na si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa tagapagsalita niyang si Harry Roque. Ngunit sa halip na mag-alok ng produkto o serbisyo, health protocols laban sa Covid-19 ang isusulong ng pinuno sa patalastas.
“The president will appear in an advertisement to promote the wearing of masks, washing of hands, and social distancing to boost public confidence and consumer confidence,” ani Roque sa paglulunsad sa kampanyang “Ingat Angat Tayong Lahat” na isinasagawa online, Okt. 8.
Isinusulong ng pribadong sektor ang kampanyang naglalayong mapanumbalik ang kumpiyansa ng mga mamimili habang unti-unting binubuksan ng pamahalaan ang ekonomiya makaraan ang mahigit kalahating taon mula nang magpataw ng quarantine noong Marso. Inendorso na rin ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ayon kay Roque, mahalaga ang papel ng kampanya para sa ekonomiya sapagkat “there is fear in the hearts and minds of the Filipino people.”
Gayunpaman, tumanggi siyang magpalawig pa kaugnay ng patalastas na katatampukan ng Pangulo.
Samantala, ibinahagi ni Roque na kaugnay ng pagluluwag sa mga lugar ng trabaho at komersyo, inendorso na ng IATF ang muling pagpapahintulot sa motorcycle-taxi na Angkas na tumanggap ng mga pasahero. Gagawin na ring isang bakanteng upuan ang pagitan sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan. Itataas na rin ang bilang ng mga sasakyang papayagang pumasada sapagkat inaasahang tataas ang bilang ng mga pasahero.
“Also, on Monday, we will have a full Cabinet meeting. The topic would be how to save people from poverty,” idinagdag pa niya.
Kabilang din sa paglulunsad sina Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, IATF chief implementor Sec. Carlito Galvez Jr., at IATF deputy at testing czar Vince Dizon.
Iginiit ng mga opisyal na mahalagang muling buksan ang ekonomiya ng bansa at makahanap ng mainam na balanse sa pagitan ng kalusugan at kabuhayan.
Nagpasalamat din sila sa pribadong sektor para sa patuloy ng pagtulong sa pamahalaan na mapagaan ang epekto ng pandemya sa mga mamamayan, gaya ng pagbubukas ng mga isolation center, pagdadagdag sa testing laboratories, pagbibigay ng mga personal protective equipment (PPE) at iba pang ayuda sa mga mamamayan.
Kasama nila sa paglulunsad mula sa pribadong sektor sina Ayala Corp. Chief Executive Officer Jaime Augusto Zobel de Ayala, Angkas Chief Transport Advocate George Royeca, Cobena Senior Market Research and Marketing Technologist Pierre Samson, McDonald’s Philippines Managing Director Margot Torres, at Melvin Mangada mula sa advertising company na TBWA.
Inilahad ni Torres na isang “unprecedented collaboration” ng 31 kumpanya, kabilang ang mga magkakatunggali, ang kampanyang Ingat Angat Tayong Lahat.
“We set aside our differences for the future of the country,” paliwanag ni Torres.
Aarangkada ang kampanya sa Okt. 9 at makikita sa iba’t ibang plataporma gaya ng telebisyon, pahayagan, radyo, at social media.
Maliban sa mga anunsyong pangkalahatan, maglalabas din ng mga bersyon para sa mga industriyang higit na tinamaan ng pandemya, tulad ng restaurants, mobility, at shopping and leisure.
Maglulunsad din ng isang Viber group upang higit na mapalaganap ang mensahe ng kampanya.
Kabilang ang Philippine Daily Inquirer at INQUIRER.net sa mga media partner ng kampanyang Ingat Angat Tayong Lahat.