Ben&Ben nakiusap sa fans na iboto sa 2020 MTV EMAs: Pangarap talaga namin ‘to

MAY pakiusap ang OPM group na Ben&Ben sa madlang pipol, lalo na sa milyun-milyon nilang fans all over the world.
Ito’y may konek sa isa na naman nilang bonggang achievement bilang mga singer-songwriter.

Nominado ang Ben&Ben para sa kategoryang Best Southeast Asia Act sa 2020 MTV European Music Awards o EMAs.

Ibinandera ng MTV Asia sa kanilang official social media page na isa ang nasabing award-winning Filipino group sa listahan ng mga artists na nominado sa Southeast Asia Act category ng 2020 MTV EMAs.

Ilan sa mga makakalaban ng Ben&Ben sa nasabing kategorya sina Agnez Mo mula sa Indonesia, Benjamin Kheng ng Singapore, K-Clique from Malaysia, Jack ng Vietnam at Violette Wautier mula naman sa Thailand.

Sa pamamagitan ng kanilang Twitter account, humingi ng suporta ang grupo sa lahat ng Pinoy na sana’y tulungan sila na masungkit ang award sa pamamagitan ng online voting.

Nagsimula na ang botohan para sa nasabing kategorya na tatagal hanggang Nov. 3.

Tweet ng Ben&Ben, “Hello! nominated tayo bilang BEST SOUTHEAST ASIA ACT sa MTV EMA 2020.
“Pangarap talaga naming umabot tayo at yung music ng Ben&Ben sa iba’t ibang part ng mundo at super makakatulong itong once-in-a-lifetime opportunity if mapanalunan natin ’to,” ayon pa sa grupo.

At ang hiling nila, “Magpapatulong sana kami sa inyong mag vote dito: https://mtvema.com/en-asia/vote. Unli votes daw tayo everyday! Voting ends Nov 3. Won’t be here without you. Let’s get this liwanag!”

Sa darating na Nov. 8 magaganap ang 2020 MTV EMAs at kung papalaring manalo, makaka-level na ng grupo si Sarah Geronimo na una nang pinarangalan bilang Best Southeast Asia Act.

 

 

Read more...