Vice mala-5 star hotel ang bagong mansion; magpapalagay ng elevator para sa nanay

MALA-5 star hotel ang bagong mansion na ipinatatayo ng TV host-comedian na si Vice Ganda.

Ipinasilip ng Phenomenal Box-office Star ang bago niyang bahay sa madlang pipol sa pamamagitan ng kanyang latest vlog.

In fairness, nakakalula ito sa laki at lawak na tinatayang aabot sa 1,300-sqm.. At kahit under construction lang ito ay makikita mo na ang kagandahan nito na siguradong milyun-milyon ang halaga.

Kuwento ni Vice sa kanyang pa-house tour video, nabili niya ang nasabing property five to six years ago na para talaga sa kanyang yumaong lolo.

Aniya, balak na sana niya itong ibenta noon nang mamatay ang lolo niya pero nag-decide siya na patayuan na lang ng bahay.

“Itong property na ito nabili ko siya five or six years ago. Binili ko ‘to para sa Lolo ko. ‘Yung namatay ang Lolo ko, sobra akong na-sad. Nawalan ako ng gana ipatayo siya. Tumengga siya ng ilang taon.

“Pero maganda kasi ‘yung property tapos may nag-advice sa akin na huwag daw ibenta dahil sayang mag-aappreciate. Tsaka dahil gusto ko na rin lumipat ng bahay, pinatayuan ko siya,” pahayag pa ng komedyante.

Makikita sa video ang sosyal na industrial design ng “hotel” ni Vice na may mga element ng stones, metal at glass. Aniya, halos tatlong taon ding ginawa ang bahay.

“In fairness, three years natapos na siyang gawin. Palipat na ako ng March tapos biglang nagkaroon ng aberya, mga pandemic ganyan. Nag-lockdown.

“So hindi ako nakalipat. ‘Yung mga gamit na inorder ko for delivery, hindi siya na-deliver.

“Tapos nag-GCQ na, ayos na dapat. Pinayagan nang lumipat, tapos i-dedeliver ‘yung gamit. Tapos biglang naghigpit na naman. Hindi natuloy. So ngayon, lumuluwag na ulit kaya unti-unti papalipat na kami,” kuwento pa ng TV host habang iniikot ang mansion.

Pinasok din niya ang kwarto ng mga kasambahay at makikita rito ang ilang double-deck na kama at mga cabinet. Malawak din ang kinaing espasyo para sa storage room at dirty kitchen na pang-restaurant na sa laki.

Sa isang bahagi ng video, sinabi ni Vice na may grotto rin sa likod ng bahay na talagang naroon na nang bilhin niya ang property.

“Nu’ng binili ko ‘tong property na ‘to, meron kasi siyang nakatayong bahay. Tapos meron din siyang grotto.

“Pero ‘yung bahay lang ‘yung tinear down. Siya lang ang tinibag at tinanggal, but the grotto remains kasi hindi daw maganda ‘yung sinisira ‘yung ganyang part,” chika ng “Showtime” host.

Nasabi rin ni Vice na magpapalagay siya ng elevator sa bahay para sa kanyang nanay, “May elevator kasi siyempre ‘yung nanay ko pagpupunta dito, sasakit ‘yung tuhod. Hindi niya kakayaning umakyat kaya kailangan magpagawa ako ng elevator for her.”

Ilan pa sa ipinakita niyang bahagi ng mansion ay ang entertainment room, spa at ang elevated swimming pool with jacuzzi na gawa sa salamin. Meron din siyang recreational area na baka raw gawin niyang gym para sa boyfriend niyang si Ion Perez.

Sa mga susunod daw niyang vlogs ipakikita ni Vice ang mga developments sa construction ng kanyang bahay kabilang na ang ipinagawa niyang walk-on closet.

Read more...