MAAYOS na naghiwalay ang ex-couple na sina Buboy Villar at Angillyn Gorens at nananatili silang magkaibigan at magkatuwang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.
Kaya naman, inalmahan nila ang mga nagsasabing sila’y mga “bad parents” dahil sa desisyon nilang maghiwalay matapos magkaroon ng dalawang anak.
Sa kanyang Facebook post, ipinagtanggol ni Angillyn ang sarili pati na si Buboy. Aniya, “People be saying me and Buboy are bad parents because we broke up? Really guys???? That makes zero sense!”
Ayon pa kay Angillyn, naniniwala siya na ang pagiging mabuting magulang ay ang pagsasakripisyo para sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.
Sa isang panayam, sinabi pa niya na nananatiling maayos ang relasyon nila ni Buboy kahit hiwalay na sila, “Mutual decision naman na maghiwalay kami at maging parents na lang sa mga anak namin. Feeling ko, mas naging okay naman both sides.”
Tungkol naman sa kanilang mga anak, kasalukuyang nasa bahay ng parents niya ang mga bata dahil halos na rin sa trabaho ni Buboy. Wala naman daw itong issue sa kampo ng komedyante.
Sa interview naman ng GMA 7 kay Buboy, sinabi nitong ginagawa nila ni Angillyn ang lahat para sa dalawa nilang anak at hindi nila pinababayaan ang mga ito.
“Actually po, two years na po kasi kaming wala rin talaga ‘no so nag-decide lang po talaga kaming dalawa.
“Although marami nga nagtatanong at nag-e-expect pa rin po ‘yung ibang tao na kami.
“Siguro dapat talagang malaman din ng iba kasi nga ayaw ko rin naman na parang ma-stress si Angillyn kasi ang daming nagtatanong, although hindi naman din siya masyadong ma-social media kasi nga ganu’n nga ‘yung parang buhay niya doon. Parang lagi siyang nagtatrabaho. So nag-decide kami na sabihin sa public,” paliwanag ng aktor.
Hirit pa ni Buboy, “Ang mahalaga naman doon, maayos kaming dalawa at napapag-usapan namin ‘yung mga anak namin na pinakaimportante sa amin sa lahat ng bagay.
“Ngayon magkaibigan naman po kami at parehas po kaming focused sa journey po naming dalawa which is siya nagtatrabaho po ngayon sa Amerika at ako po naman ay focused po ako sa aking career at sa aking pagiging tatay sa aking mga anak,” aniya pa.
Kung matatandaan, nagsama sina Buboy at Angillyn noong 2016 matapos ang kanilang engagement at biniyayaan nga ng dalawang anak, sina Vlanz Karollyn, 3 at George Michael, 1.