KANYA-KANYANG post ang mga big stars ng ABS-CBN tungkol sa pagpapalabas muli ng ilang Kapamilya shows sa free TV.
Excited nang i-welcome muli nina Angel Locsin, Vice Ganda, Regine Velasquez, Judy Ann Santos at Kim Chiu ang madlang pipol sa kanilang bagong tahanan.
Pormal nang in-announce ng ABS-CBN ang kanilang blocktime agreement with Zoe Broadcasting Network at sa pamamagitan ng A2Z, ang bagong Channel 11 ng Zoe, mapapanood na sa free TV ang ilang Kapamilya programs simula sa Oct. 10.
“You will see us on free TV again. God is so good,” ang post ni Regine na regular na napapanood sa “ASAP Natin ‘To.”
Sa kanya ring social media account, nag-post ang host ng “Iba Yan” na si Angel Locsin ng, “Kitakits mga Kapamilya sa Channel 11!”
“Better days,” ang sey naman ni Vice ng “It’s Showtime.”
Sey naman ni Juday, “On a happy note,” gamit ang hashtag na #grateful at #kapamilya. Siya naman ang host inspirational program na “Paano Kita Mapasasalamatan.”
Kagabi naman, excited pang ipinost ni Kim Chiu sa Twitter ng maikling video clip kung saan makikitang ipinalalabas sa test broadcast ng A2Z ang pelikula nila ni Xian Lim na “Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo?”.
“Channel 11 is now on! Starting with ‘Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo’?” tweet ni Kim with matching clapping at heart emojis gamit pa ang mga kulay ng ABS-CBN logo.
Narito naman ang official statement ng Zoe TV mula sa chairman at president nitong si Sherwin Tugna, “Zoe Channel 11 TV gets a new name, a new look, and a new journey serving God and the Filipino people. We strive to provide Filipinos with the best type of programming and bring glory to the Lord above.”