Salamat din sa COVID dahil nagkakasama at nagkakaisa tayo ngayon

MASAYA si Aga Muhlach sa muli niyang pagtuntong sa Kapatid network bilang isa sa judge ng Philippine adaptation ng South Korean show na “The Masked Singer”.

Mapapanood ito sa TV5, Cignal at Sari-Sari Channel at line produced ng Viva Entertainment.Humarap si Aga sa mga miyembro ng entertainment media sa ginanap na virtual presscon ng nabanggit na talent show  kaninang tanghali.

Naging host si Aga sa TV5 ng mga programang “Pinoy Explorer” noong 2011 hanggang 2014 at “Let’s Ask Pilipinas” noong 2014.

Sabi ng aktor, “Masaya, I’m happy to be here again, happy to be working with Billy (Crawford), Cristine (Reyes), Matteo (Guidicelli) and Kim (Molina).”

Sa tanong kung ang pakiramdam na bagong bahay ang kinalalagyan nila ngayon dahil halos lahat ng kasama sa “The Masked Singer” ay galing ABS-CBN isama pa ang karamihan sa production staff.

“Noon ko pa sinasabi na dapat naman talaga kasi hindi divided ang mga artista in the 80’s, 90’s early 2000, dapat sama-sama lang lahat.  And then nagkaroon ng division, dapat always welcome lang lahat.

“Ang sa akin lang sa lahat ng taga-ABS-CBN, galing din ako ng ABS, nagpunta ako ng TV5. Sa masamang nangyari sa ABS, but ang gusto kong sabihin sa inyo ay ‘wag n’yo sanang maramdaman na iba (trato) kayo rito.

“Para pare-pareho, tayo magkakasama sa industriya ito. Iisa ang ginagalawan natin, tigilan na natin ‘yang mga dibisyon ng mga artista.

“Sama-sama tayong lahat na nagtatrabaho, mas gaganda at mas magiging masaya ang publiko kung hindi magkakahiwalay, kasi hinihiwalay din natin ang publiko, eh. May Kapuso, may Kapamilya, may Kapatid, may ganyan, eh.

“Lahat tayo nasa entertainment industry, kaya salamat din sa COVID dahil sa nangyaring ito, eh, nagkakasama at nagkakaisa. Nasa TV5 tayo dahil ito ang show ngayon, susunod pag nagkaroon ng show ang (GMA) 7, ng show ninuman bakit hindi (tanggapin), sama-sama lang, sana ganu’n,” paliwanag ni Aga.

Anyway, mapapanood na ang “The Masked Singer” simula sa Okt. 24, Sabado, 7 p.m. hosted by Billy Crawford at ang makakasama nga ni Aga bilang judge ay sina Cristine Reyes, Kim Molina at Matteo Guidicelli.

Read more...