Senado hiniling na imbistigahan ang mga illegal Chinese workers sa Pinas

Mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa  Philippine Offshore Gaming Operators habang kinukunang ng body temperature sa Paranaque City. (Richard A. Reyes/Inquirer)

Hiniling ng isang good governance advocacy group na imbistigahan ng Senado ang umano’y  “illegal at forced” Chinese labor sa Pilipinas, kabilang pa ang anila’y pagpapadala ng mga presong Intsik para magtrabaho sa bansa.

Sa liham ng Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon) kina Senator Juan Miguel Zubiri at Senator Francis Pangilinan, sinabi ng grupo na karamihan sa mga Chinese na ilegal na nagtratrabaho sa bansa ay nasa mga construction projects.

Nagtatrabaho sila sa mga kumpanyang Intsik na nasa Pilipinas, ayon sa Pinoy Aksyon.

“Allegedly, prisoners are sent here for involuntary labor. If true, and left unchecked this could make the country complicit to this blatant violation of human rights laws and International Labor Organization conventions,” anang grupo.

Karamihan umano sa mga manggagawang dayuhan ay nasa larangan ng konstruksiyon, mga hindi bihasa sa technical work at pinapasweldo lamang ng mababa, ayon pa sa grupo.

Sa Misamis Oriental, iniimbistigahan ng Bureau of Immigration ang ulat na may 48 Chinese workers na umano’y nagtatrabaho na walang work permit  sa Keim Hing Steel Corporation.

Ayon kay Felipe Alano Jr., alien control officer ng BI sa Cagayan de Oro, ang mga naturang Chinese workers ay ilang taon nang nagtatrabaho sa steel plant na hindi nalalaman ng mga awtoridad.

Sinabi pa ni Alano na may ulat silang natanggap na meron umanong nabayaran sa Immigration office kung kaya’t hindi napapa-deport ang mga illegal workers.

Ganundin, sinabi ng Pinoy Aksyon na ang mga illegal foreign workers na ito ay umaagaw sa  hanapbuhay na dapat sana ay para sa mga manggagawang Pilipino.

Batay sa pinakahuling datos, umakyat sa 10 percent ang unemployment sa bansa nitong nakaraang Hulyo kumpara sa kaparehong panahon noong 2019, mula 5.4 porsyento patungo sa 17.7 porsyento.

Sa pinakahuling sarbey naman ng Social Weather Station, sinabi na 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakararanas ng involuntary hunger.

Kahit pa anila inaasahan na bababa sa walong porsiyento ang unemployment sa bansa dahil sa pinaluwang na quarantine restrictions at pagsisimula ng Christmas season, ang naturang pigura ay mas mataas pa rin kumpara sa normal na panahon.

Ayon sa Pinoy Aksyon, kailangang gumawa ng mga hakbangin para lumikha ng maraming trabaho lalo na sa grassroots para palakasin ang ekonomiya ng bansa.

Ang “Build Build Build” na programa ng administrasyon ni Pangulong Duterte ay isa umano sa major job generators, gayunman ay may ibang nakikinabang pagdating sa employment na nililikha ng programa.

“We have been told by a group of Filipino contractors that thousands of Chinese workers are filling up what could have been jobs exclusively for Filipinos. And these Chinese workers enjoy better wages and perks than Filipino workers,” saad sa liham ng grupo.

Hiniling ng Pinoy Aksyon kay Zubiri at Pangilinan na maghain ng Senate Resolution para maimbistigahan ng Senado ang isyu.

Kailangan din anilang umaksiyon ang Department of Labor and Employment, Department of Public Works and Highways, Bureau of Immigration, construction company associations, kasama na ang Philippine Construction Accreditation Board, labor groups at iba pang stakeholders.

Ang Pinoy Aksyon ay isang independent advocacy group at think-tank na nagkakaloob ng plataporma para sa dayalogo sa governance, environment, consumer rights at sustainable development issues.

Read more...