HOME alone pa rin ang drama ng Kapuso TV host-comedian na si Betong Sumaya habang patuloy pa rin ang banta ng pandemya sa bansa.
Kaya naman sinisiguro ng aktor na nabibigyan niya ng sapat na atensyon ang kanyang mental health. Mahirap daw ang mag-isa ka lang sa bahay at walang kasama at kausap.
“Sa panahon ngayon yung kalaban talaga natin ‘yung pag-iisip natin everyday,” simulang pahayag ni Betong sa nakaraang episode ng digital show na “Quiz Beh.”
“Ako, may times na ayoko manood muna ng news. Hindi ko sinasabi na hindi importante, napakaimportante ng news.
“Pero may point minsan na parang naa-alarm ako. Kasi parang nakikita mo parang ‘yung cases nararamdaman mo,” paliwanag pa ng Kapuso comedian.
Aniya pa, sa mga tulad niyang home alone habang may pandemya mahalaga na may nakakausap ka araw-araw at may nasusumbungan ng mga problema at pangamba.
“I think para malabanan mo ‘yun e, lalo na sa mga tao na ma-isa nakatira.
“Ako po home alone talaga ako, seven months na akong home alone dito sa Quezon City.
“Pero siyempre I have to make a way na makausap ko ‘yung family ko so very thankful ako na meron tayong facetime at iba’t ibang ways na makausap sila,” lahad pa niya.
“You have to talk to your friends din e. Huwag mong sarilinin ‘yung nararamdaman mo. Kailangan ilabas mo siya, e.
“Kasi ang kalaban mo talaga not just ‘yung nangyayari kundi ‘yung mental health mo talaga which is very important,” payo pa niya sa mga Pinoy.
At siyempre, ang pinakamahalaga raw sa lahat na panlaban sa panahon ngayon ng pandemya ay ang pagdarasal.
“‘Yung faith mo talaga kay Lord. Trust and faith mo talaga kay Lord wala ka talagang ibang… wala tayong ibang makakapitan ngayon kung hindi si Lord talaga ‘di ba, sa dami ng mga nangyayari sa atin,” pahayag pa ng komedyante.