Alakim nagtangkang magpakamatay sa kulungan; gustong mag-time travel para sa namatay na asawa

NAAALALA n’yo pa ba ang magaling na magician na si Allan de Paz o mas kilala bilang si Alakim?

Isa siya sa naging grand finalists sa  first season ng Kapamilya reality talent show na “Pilipinas Got Talent” (PGT) kung saan ibinandera niya ang mga nalalamang magic tricks.

Muli siyang humarap sa publiko sa pamamagitan ng “Paano Kita Mapasasalamatan” ni Judy Ann Santos at binalikan ang matitinding pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay.

Isa na nga rito ang pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na asawa at ang pagkakulong niya noong 2012. Siya ang kinasuhan matapos mamatay ang misis niyang si Maricar.

Ani Alakim, kung may isang magic trick daw na gusto niyang matutunan ngayon, ito ay ang pagta-time travel para mailigtas ang buhay ng kanyang misis.

Kuwento ng kilalang illusionist, nang dahil lang sa isang masamang biro ay bigla na lang nawala si Maricar at nangyari pa ito nu’ng mismong birthday niya.

Sineryoso at dinibdib kasi ni Maricar ang biruan ng kanyang mga kaibigan na nambababae siya. Bukod dito, nagkaroon din ito ng matinding depresyon at trauma matapos makunan.

Ani Alakim, kinuha raw ng asawa ang kanyang baril na ginagamit niya sa target shooting, “Nu’ng ipuputok na niya, hinarang ko, yung kamay ko, tapos yun na, pumutok na. Hindi ko na alam ang nangyari.

“Tapos dinala ko siya sa ospital, buhay pa siya nu’ng dumating kami sa ER (emergency room), hanggang sa wala na siya. Wala na, nawala na ko sa sarili ko, hindi ko na alam ang gagawin ko.

“Feeling ko nananaginip ako noon kasi, ‘Teka lang, kaka-birthday ko lang tapos ganito mangyayari sa akin? Hindi tama iyan,’” ang umiiyak nang pahayag ng magician.

“Tapos nakulong ako, ako ang kinasuhan nila. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Imagine, dapat nagluluksa ako, pero nasa kulungan ako,” lahad pa ni Alakim.

Inamin niyang nagtangka rin siyang magpakamatay sa loob ng kulungan pero binigyan pa rin siya ng second chance para ipagpatuloy ang kanyang buhay.

“Kumuha akong tali, pumunta ako sa CR. Pero ang bigat ko, kaya bumigay yung bubong ng CR. Then, na-realize ko, kailangang lumaban ako, kailangang kayanin ko to,” sabi pa ni Alakim.

Makalipas ang mahigit tatlong taon, nakalaya siya mula sa kulungan dahil napatunayang hindi niya pinatay ang kanyang asawa. Patuloy siyang nagsisikap ngayon para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.

Read more...