TILA isang eksena sa pelikula ang nangyari kay Vina Morales nang biglang agawin sa kanya ng snatcher ang hawak na cellphone.
Talagang hinabol ng singer-actress ang magnanakaw sa kahabaan ng EDSA para mabawi ang kanyang telepono.
Nangyari ang insidente habang binabaybay ng aktres ang EDSA patungo sa isa niyang commitment. Aniya, ito ang unang pagkakataon na may nang-snatch sa kanya.
Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Vina na may taong nakapagsabi sa kanya na may alam tungkol sa snatcher.
At ilang sandali lang daw ay may dumating na mga pulis at “tinangay yung tao” na nakausap niya.
“Ngayon ko lang po naranasan eto, may nag-snatch ng phone ko sa loob ng kotse ko habang gamit ko po.
“Naiwan ko pong bukas ang window habang nasa EDSA, tapat po ng Phoenix Gasoline Station. Reaction ko po ay hinabol ko. Meron po akong nakita na tao sabi may alam po siya, biglang may mga pulis na dumating at tinangay yung tao…” kuwento ni Vina sa kanyang IG post.
Aniya pa, inimbitahan siya ng mga pulis na mag-file ng official report para makasuhan ang snatcher pero hindi na niya ito ginawa dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
“Nakausap ko po si LT. Alvin Bagat at pinapapunta po ako ng presinto para mag report, sabi ko wag na lang po kasi po may COVID,” wika ni Vina.
Ipinagpapasa-Diyos na lang daw niya ang lahat kasabay ng paalala sa publiko na palaging mag-ingat kapag nasa labas ng bahay dahil may mga tao pa ring mapagsamantala.
“Telepono lang naman yun pero nalulungkot ako kasi bakit may mga ganung tao. Salamat po sa mga tao na tumulong sa akin.
“Etong message ko just letting you know na mag ingat po tayo. Bahala na lang po ang Diyos sa kanya,” pahayag pa ng singer-actress.