Nagbibisekleta ka ba sa Quezon City pero wala kang pambili ng helmet?
Walang problema dahil sagot ka na ng pamahalaang panglungsod.
Nitong Huwebes, namahagi ang Department of Public Order and Safety ng 100 helmet at 120 naman nitong Biyernes bilang bahagi ng programa ng siyudad na mamahagi ng 2,000 na helmet para sa mga walang kakayahang bumili nito.
“The city government will help those who are too financially vulnerable to comply with the recently passed ordinance,” ani Mayor Joy Belmonte.
“Gagawin natin ito upang matulungan ang mga nagbibisikleta na hindi kayang bumili ng helmet upang hindi masakripisyo ang kanilang kaligtasan,” dagdad ni Belmonte.
Inaprubahan kamakailan ni Belmonte ang Ordinance No. SP-2942 na nagbabawal magbisekleta ng walang helmet sa mga lansangan ng Quezon City.
May multang nagkakahalaga ng P1,000, P3,000 at P5,000 para una, pangalawa at pangatlong paglabag.
Pero sumang-ayon ang konseho ng siyudad na babaan ang multa matapos mag-apila ang ilang advocacy groups dahil na rin sa hirap ng buhay sa kasalukuyan. Hindi binanggit kung magkano ibababa ito.
Siniguro din ni Belmonte na magbibigay ang pamahalaang panglungsod ng sapat na panahon para sundin ng mga bikers ang rekisitos ng ordinansa bago ito puspusang ipatupad.
“While waiting for the final approval of the implementing rules and regulations, bicycle riders will just receive a reminder on the proper wearing of helmet,” wika pa niya.
Sinabi ni Belmonte na ang ordinansa ay naglalayong gawing ligtas ang pagbibisekleta bilang nauusong klase ng transportasyon ngayong panahon ng pandemiya.
Isang network ng mga magkakaugnay na daan ng bisekleta na naayon sa international standards ang ginagawa sa buong lungsod.
Kaugnay nito, binabalangkas na rin ng konseho ng lungsod ang Safe Cycling and Active Transport Ordinance of Quezon City.
“We need to err on the side of caution. Huwag nating isugal ng ating mga buhay. Mabuti nang masiguro na ligtas ang ating paglalakbay,” wika ni Belmonte.