Lotlot balik CBN, bumilib sa istriktong health protocol sa taping: Walang laro-laro sa set

BALIK-KAPAMILYA uli si Lotlot de Leon para sa teleseryeng “Walang Hanggang Paalam” bilang ina ng karakter ni Angelica Panganiban.

Taon ang binilang bago tumanggap uli ng project si Lotlot sa ABS-CBN dahil siguro kapag inaalok ay palaging may show pa siya sa GMA.

Ang “Walang Hanggang Paalam” ay inalok na sa aktres noon pang nakaraang taon at nasimulan na nila ito bago pa nag-pandemic.

Huminto lang sila sa taping nang ipag-utos ng pamahalaang Duterte na ilagay sa total lockdown ang buong Metro Manila at karatig bayan.

Pero nang mag-ECQ o enhanced community quarantine na ay musad na ang taping ng WHP at dahil sa ipinatutupad na health protocols sa lahat kaya medyo nahihirapan ang lahat dahil nga kailangan sumunod sila bukod pa sa limitado na rin ang oras ng pagtatrabaho.

At dito napatunayan ni Lotlot ang sobrang higpit ng pagpapatupad ng health protocols sa mga artista at buong production.

Sa virtual mediacon ng “Walang Hanggang Paalam” kamakailan ay naikuwento ng aktres ang senaryo sa set nila.

“Ngayon lang ako nakakita ng produksyon na sobrang strict ang protocol, they will make sure that you get tested, they will make sure that you’re safe, that you’re safe with the people you’re working with.

“Aside from that, we have a really great team, hindi kami naglalaro sa set, 12 hours kaming nagtatrabaho dire-diretso ‘yun. Ang pahinga mo, siguro mga limang minutong upo, kuwentuhan you know.

“And para sa akin mas okay ‘yun because every one that I’m working with now are really great actors, we have great directors kaya gusto kong magpasalamat kay Direk Manny (Palo), Direk Darnel (Villaflor) and of course kay Ms. Carl (dela Merced) and Sir Deo (Endrinal) and and to the whole team kasi nakasubaybay talaga sila.

“At saka ‘yung mga paalala nila, like ‘o ‘yung alcohol ha, malinis ba ‘yung ganyan, social distancing kailangan pa rin nandiyan.’

“But you know, it’s a blessing that we have this and that I think we’re just all being guided na lang that we’re all okay, thankful po talaga ako, very thankful,” kuwento ni Lotlot sa experience niya sa pakikipagtrabaho sa Dreamscape Entertainment.

At sa unang gabing ipinalabas ang “Walang Hanggang Paalam” ay trending agad ito sa Twitter patunay lang na kahit hindi na napapanood sa free TV ang mga serye ng ABS-CBN ay inaabangan ito sa ibang online platforms.

Read more...